Nasyonalismo at Demokrasyang Pilipino: Paninindigan at Kapangyarihan ng Mamamayan

Ikalawang Kongreso ng Masa, People’s Movement Against Poverty (PMAP)
UP SOLAIR, Diliman, Quezon City

Bago ang lahat, binabati ko ang mga pinuno at kasapi ng PMAP sa matagumpay na pagdaraos ng inyong Ikalawang Kongreso ng Masa ng isang maalab at mapayapang pagbati. 

Lubos akong nagpapasalamat sa pagkakataong ibinigay ninyo sa akin upang maging panauhing tagapagsalita sa araw na ito.

Alam kong lalo sanang matagumpay ang okasyong ito kung kapiling ninyo ngayon si Kasamang Ronald at Pangulong Erap.

Subalit bago magkaiyakan, balik muna tayo sa laban.

Hindi pa tapos ang pakikibaka laban sa kahirapan! Ito ang dahilan kung bakit may PMAP. Ito ang dahilan kung bakit patuloy tayong nagtitipon-tipon kagaya nito.

Ang pakikibaka laban sa kahirapan ang pinakabuod ng pagiging Pilipino sa ngayon.

Hindi mo maaaring mahalin ang iyong bayan at kapwa Pilipino kung hindi ka nagmamalasakit sa nakararaming mahihirap sa ating lipunan.

Papaano ka ba magmamalasakit sa mahihirap? Mamudmod ng regalo kung ikaw ay opisyal ng gobyerno? Magbigay ng limos kung ikaw ay mayaman? Magpakita ka ng luha sa mga dukha?

Hindi limos at awa ang hinihingi ng nakararaming mahihirap. Katarungan ang isinisigaw nila!

Maipapakita lang natin sa ating mga mamamayan na epektibong umiiral ang demokrasyang kung may katarungan sa ating lipunan.

Walang katarungan kung ninanakaw ng mga nasa gobyerno ang kaban ng bayan.

Walang katarungan kung ang mga patakaran sa pamahalaan ay mas pabor sa banyaga kaysa sa Pilipino.

Walang katarungan kung walang sapat na oportunidad para sa mahihirap ng mabuhay nang marangal at matiwasay.

Walang katarungan kung ang mga katulad ni Ka Ronanald ay nakukulong dahil sa kanilang paninindigan para sa mahihirap.

Ang mga pangmasang pagbibigkis-bigkis katulad ng kongresong idinaraos ninyo ngayon ay mga matitibay na pundasyon ng Demokrasyang Pilipino.

Ito ang demokrasyang nakabatay sa pagnanais at adhikain ng nakararaming Pilipino.

Ito ang demokrasyang nagbibigay pinakaesensiya ng katarungan sa lipunan – ang paggamit sa yaman ng bayan para sa ikabubuti ng lahat at hindi para sa iilan lamang.

Palagi kong sinasabi, “ang tama ay ipaglaban, ang mali ay labanan.”

Ito ang paulit-ulit kong panawagan lalong-lalo na para sa aking sariling paglilingkod sa bayan.

Hindi kailanman magiging matagumpay ang pamahalaan sa pagbaka sa kahirap kung hindi nito malilinis ang kanilang sariling hanay.

Ang katiwalian sa pamahalaan ay hadlang sa Demokrasyang Pilipino at sa pag-unlad ng bansa.

Ang aking kampanya laban sa mga kotong cops noong pinuno pa ako ng PNP ay isang maliliit na kontribusyon sa pangkalahatang kampanya laban sa katiwalian. Di lamang nito inalis ang mga nambibiktima sa mga mahihirap na driver at tindera, pinalaya din nito ang higit na maraming mabubuting pulis sa masamang tingin sa kanila ng publiko.

Ganito rin ang dapat na ipaglaban ng inyong hanay para sa pamahalaan. Kailangang palayain ang inisyatiba ng mga makabayan at dedikadong kagawad ng pamahalaan na pinapatay ng paghahari-harian ng mga tiwaling opisyal at kakutsaba nila.

Sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Erap nabigyan kayo ng papel sa pagbuo ng programa para sa mahihirap sa pamamagitan ng inyong mga naging kinatawan sa National Anti-Poverty Commission.

As pagkaalam ko, nabuo ang kumpletong dokumento ng programang ito matapos ang higit sa isang taong pagdedebate at kooperasyon sa pagitan ng mga kinatawan ng pamahalaan at mga sector ng mahihirap. Ito rin ang dokumentong basta na lamang binalewala ng kasalukuyang administrasyon.

Naniniwala ako sa kakayahan ng PMAP na panatilihing buhay ang mga nasimulan na nito para sa pagbibigay kapangyarihan sa mga nakararaming mahihirap na mapabuti ang kanilang kalagayan sa isang demokratiko at matarungang pamamaraan.

Mahaba-haba pa ang laban ng hanay ng mahihirap.

Kulang na kulang ang pondo ng gobyerno sa ngayon para maibsan man lamang nang konti ang bigat na pinapasan ng taumbayan.

Ang mga Pilipino ay marunong magtiis kung kinakailangan. Subalit papaano natin mapapakiusapang magtiis muna sila kung kabila-kabila ang mga nababalitang anomalya at pangungurakot sa gobyerno?

Kaya hindi ko kayo pakikiusapang magtiis sa inyong kalagayan sa ngayon.

Papakiusapan ko kayong magtiis sa panloob na proseso ng pagpapatibay ng pagkakaisa sa inyong hanay.

At pagkatapos, papakiusapan ko kayong magtiis sa pagpapalawak sa pakikipag-ugnayan ninyo sa iba’t ibang sector ng mamamayan.

Ipakita natin na ang organisadong hanay ng mahihirap ay may tunay na pagmamahal sa bayan at di lamang tumitingin sa kanilang pansariling interes.

Hanapbuhay, sapat na pagkain, disenteng tirahan at kapayapaan. Makakamit lamang ang mga ito sa isang gobyerno malinis, may dedikasyon at lakas ng loob manindigan.

Mahaba-haba pa ang laban.

Kasama ninyo ako sa laban na ito.

Mabuhay kayo! Mabuhay ang PMAP! Mabuhay ang mahihirap!

Maraming salamat sa inyong lahat.

*****