Ping: Lahat Na Lang ng Presidente Gusto Patalsikin, NPA Dapat Nang Tawaging Terorista

NPA

Kailangan nang kalampagin ng Department of Justice (DOJ) ang hudikatura upang mabatid kung ano ang kinahantungan ng asuntong tumutukoy sa New People’s Army (NPA) bilang terorista.

Ginawa ni Senador Panfilo Lacson ang panawagan sa ahensiya bunga na rin ng walang humpay na panggugulo ni Communist Party of the Philippines founding chairman Jose Maria Sison sa gobyerno, limang dekada nang nakalipas.

“(CPP founder Jose Maria Sison) has been at it for the past 50 years. So many lives lost already. DOJ should follow up with the court the proscription case vs the NPA as a terrorist group as per Section 2 of Republic Act 9372,” bahagi ng panawagan ni Lacson sa post niya sa kanyang Twitter account.

Related:Β Lacson: CPP ‘Priority’ to Oust Sitting President in 2019 an Added Reason to Tag NPA as Terror Group

Pebrero ng nakalipas na taon nang dumulog sa korte sa Maynila ang DOJ, batayan ang Human Security Act of 2007, upang hilingin na ideklara na nitong teroristang grupo ang NPA dahil sa walang habas na paghahasik ng kaguluhan sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Una nang nabalitang prayoridad umano ni Sison ang pagpapatalsik sa kasalukuyang liderato ngayong 2019, na base sa pag-araal ng mambabatas ay ginawa din umano ng grupo sa lahat ng mga naunang naging Pangulo ng Pilipinas.

Ayon pa kay Lacson, ang nabanggit na pahayag ni Sison ay isang malinaw na pagpapatunay na dapat nang tukuyin at tratuhin ang NPA bilang isang teroristang grupo.

Binanggit pa ng mambabatas na sa tinatayang 50 taon nang pakikipaglaban ng CPP sa pamahalaan, napakarami nang buhay ang nawala pati na rin ang mga kagamitan at ari-arian dahil sa walang habas na paghahasik ng kaguluhan ng NPA.

May mga pagkakataon din umanong umuupo ang grupo sa usapang pangkapayapaan, pero ang mga kondisyon ng mga ito ay pawang pabor sa kanila na kung susuriin ay walang ibang hangad kundi pabagsakin ang pamahalaan.

“They have not succeeded for the past five decades so I don’t see how they can. Right now, they are reduced to a band of extortionists, arsonists and robbers, even a terrorist group,” dagdag pa ni Lacson.

*****