Ping sa Pagkalikot ni Gloria sa Bicam-Approved Budget: Nagsabi na si PRRD, ‘Di Niya Pipirmahan ang Ilegal

Mismong ang Pangulong Rodrigo Duterte ang naglabas ng mensahe na hindi niya lalagdaan kung may nilalaman na ilegal ang 2019 national budget, kaya dapat na maramdaman na ito ng liderato ng Kamara.

Ayon kay Senador Panfio Lacson, kung talagang bukal sa kalooban ng liderato ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang sinasabi nitong pagsuporta sa legislative agenda ng Pangulo, dapat sumunod ito sa ninanais ng huli.

Una nang binanggit ng Pangulong Duterte na hindi niya pipirmahan ang pambansang badyet kapag nakitaan niya ito ng ilegal na nilalaman, oras na makarating sa Malacanang matapos na umano’y kalikutin pa ng Kamara kahit aprubado na at naratipikahan.

“He is correct. What I can’t understand is why the House leadership cannot take the hint from President Duterte himself,” pahayag ni Lacson matapos na mabatid ang mensahe ng Presidente.

Related: Lacson to House Leadership: Take Cue from President on 2019 Budget

Bagama’t Marso na, hindi pa rin napapadala sa Malacanang ang pambansang badyet para malagdaan ng Presidente dahil sa mga umano’y pagkalikot pa ng kampo ni Speaker Gloria Macapagal-Arroyo sa ilang nilalaman nito upang madagdagan ang alokasyon sa mga kongresistang kaalyado.

Kasama sa mga nasiwalat na kinalikot ng Kamara ay ang P72.319 bilyon mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH) Major Final Output (MFO) 1 at 2.

“Speaker Arroyo said she is in full support of the President’s agenda but look at what they have done,” dagdag pa ni Lacson.

Ang MFO 1 at 2 ay patungkol sa mga institutional projects, kung saan karamihan ay sumailalim sa matinding pag-aaral, pagpaplano at paghimay ng mga eksperto – na mapapalitan lamang umano ng mga personal na tinukoy ng mga kongresista base sa sariling kapasyahan.

Kabilang sa mga proyektong apektado ng pagkalikot ng kampo ni Arroyo ay ang Asset Preservation Program, Network Development Program, Bridge Program, Flood Management Program, Convergence and Special Support Program na kinapapalooban ng “Build Build Build” legacy project ng administrasyon.

“It’s bad enough that the House would do this without any consultation, and whimsically, arbitrarily, realign such funds to pet projects,” pahabol pa ni Lacson.

*****

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.