Si Ping at native na manok [Abante Tonite]

From Carlito Evangelista’s column in Abante Tonite: Kaya nga ba kumikilos na din si Ping para malaman ang katotohanan sa likod ng pagbaha ng imported na karne sa bansa, lalo na ang manok at baboy.

Si Ping at native na manok

Ayos Ba? Carlito Evangelista (Abante Tonite)
March 24, 2021

Lockdown ang feeling kahit walang deklarasyon kaya sumunod po muna tayo sa pinaiiral ng awtoridad na piliting manatili sa kinaroroonan kung hindi lang naman mahalaga ang pakay ng paglabas-labas.

Resulta, wala muna akong maikukuwento sa inyo tungkol sa mga gala dahil nga tengga pansamantala sa loob ng bahay na isang pagkakataon din para makapag-isip isip sa mga pagkaing tunay na Pinoy ang peg.

Marami na sa atin ang hindi makarelate kapag ang pinag-usapan sa hapag kainan ay native na manok dahil kadalasan kasi, mga patabaing manok na ang inihahain, mga patabaing manok na pinapalaki sa panandaliang pamamaraan at ngayon ay mas matindi na dahil imported pa!

Kaya ang resulta, hindi rin naman masarap kapag hindi idinaan sa sangkaterbang proseso bago ihain sa ating harapan ang mga manok na ito.

Malayong malayo ito kung ikukumpara sa native na manok na ang sistema ng pag-aalaga at pagpapalaki ay hinahayaan na lamang na gumala sa bakuran buong maghapon matapos na hagisan ng mais, palay o anumang puwede nilang tukain sa umaga.

Napakasarap ng native na manok, mapa-adobo man o mapa-tinola.

Ang isang makakapagpatotoo diyan ay ang Kabitenyong si Senador Panfilo Lacson, na bunga ng aking bahagyang research online at pakikipagkuwentuhan sa nakakakilala ng personal sa kanya ay nadiskubri kong mahilig pala sa native na manok lalong lalo na kapag adobo o tinola.

Kontrolado ang diet pero kapag ang mga nabanggit na putahe na ang nasa harapan ay balitang medyo napaparami ang kain ni Ping.

Ilang beses na rin niyang nasasabi sa mga panayam sa kanya na kapag pagkaing Pinoy ang pinag-usapan, paniguradong nasa unang bahagi ng kanyang listahan ang adobo at tinolang manok.

Simpleng ulam lamang at dati-rati ay ordinaryong tanawin ang makakita ka ng native na manok na pagala-gala sa mga bakuran.

Pero ngayon ay maliwanag na nasa panganib na ang industriya ng pagmamanukan sa bansa bunga ng pagbaha ng mga imported na karne nito na hindi rin natin matiyak kung may sakit na dala o wala.

Kaya nga ba kumikilos na din si Ping para malaman ang katotohanan sa likod ng pagbaha ng imported na karne sa bansa, lalo na ang manok at baboy.

‘Ika nga, ang native na manok ay walang sebo, pero sobrang nagmamantika ang ‘tongpats’ ng mga sindikato sa likod ng ‘pagpaparating’ ng mga inangkat na karne sa bansa sa halip na mapunta sa kaban ng bayan ang koleksiyon kaya dapat na matigil na.