Ping at SP Sotto: Pondo ’Di Problema; Suplay at Rollout Pagbutihin para sa Herd Immunity

Balitang Ping , Ayon Kay Ping

Hunyo 15, 2021 - May sapat na pondo ang pamahalaan para makamit ang target na herd immunity laban sa COVID-19 para sa taon na ito, at ang kailangan lamang ay tiyakin na hindi kapusin ang suplay at maipamahagi nang tama ang mga bakuna.

Ito ang natumbok ni Senador Panfilo Lacson batay sa mga datus na inilabas ni Department of Finance (DOF) Secretary Carlos Dominguez III sa Committee of the Whole hearing ng Senado sa programa ng pamahalaan sa pagbabakuna nitong Martes.

Batay sa pag-aaral ni Lacson, may sobra pang P5 bilyon ang pamahalaan kung ang target sa herd immunity ngayong 2021 ang pagbabatayan.

“At P446 per dose including logistical costs, we will need P52.3 billion. We have already secured P57.3 billion through borrowings, so we have a surplus of P5 billion for herd immunity,” banggit ni Lacson sa pagdinig.

“So money is not the problem here. Ang kailangan na lang dito maka-procure ng vaccines at may rollout,” dagdag ni Lacson.

Ang pahayag ni Lacson ay agad na sinusugan mismo ni Senate President Vicente Sotto III sa pagsasabing dapat na pagtuunan ang rollout. “The bottom line is the rollout,” diin ni Sotto.

Ayon kay Lacson, para matamo ang herd immunity, kailangan ng pamahalaan ng P52.343 bilyon para makabili ng 117,361,601 target doses ng bakuna, kung saan P446 ang bawa’t turok kabilang ang logistical costs.

Sa naturang pagdinig ay sinabi naman ni vaccine czar Carlito Galvez Jr. na makakakuha ng 68 milyong dose ng libreng bakuna ang bansa, kung saan 44 milyon ay manggagaling sa COVAX facility at 24 milyon mula sa dalawa pang tagagawa.

Dahil dito, binanggit ni Lacson na 49 milyon na dose lamang ang kailangang bayaran ng pamahalaan para sa herd immunity, at 99.6 milyon para sa target na populasyon.

Ayon pa sa mambabatas, ang P20 bilyon hanggang P25 bilyon na karagdagang halagang binanggit para ipambili ng bakuna para sa mga 12-15 taong gulang na mamamayan ay sa susunod na taon pa kailangan.

“So you don’t need any money for achieving herd immunity at least in 2021,” ayon pa kay Lacson.

*****

pinglacson.net Gumagamit ng cookies itong website para mas mainam ang user experience sa website na ito. Narito ang karagdagang detalye sa cookie policy namin here.