Ping, Kinuwestyon ang Nakakalusot na Smuggling sa Kabila ng ‘Overregulation’

Sobra-sobra na nga ang regulasyon pero walang tigil pa rin ang nangyayaring pagpupuslit ng produktong pang-agrikultura.

Nanawagan si Senador Ping Lacson nitong Martes sa Bureau of Customs na kumpletuhin na ang kanilang mga hakbang para i-automate ang kanilang sistema para matigil na ang korapsyon na nagbibigay daan sa smuggling.

“Ang legitimate, overregulated. Ang illegal, walang regulation” ani Lacson sa pagdinig ng Senate Committee of the Whole hinggil sa isyu.

Related: Lacson Scores Unabated Agricultural Smuggling Despite ‘Overregulation’

Ayon kay Lacson, kung tutulad ang BOC sa ibang mga bansa na fully automated ang sistema, liliit ang tsansa para makatanggap ng panunuhol at pagpupuslit ng mga produkto.

“That’s the ideal situation. Kung ganoon sana mangyari magdoble sana revenues natin,” aniya.

Sinang-ayunan naman ito ni Customs commissioner Rey Leonardo Guerrero at sinabi na gumagawa na sila ng paraan para gawing “faceless and contactless” ang kanilang sistema.

Para naman sa senador, ang kasalukuyang regulasyon na ginagawa ng gobyerno tulad ng pagrerehistro ng business name sa Department of Trade and Industry, hanggang sa pagkuha ng mayor’s permit, accreditation sa Bureau of Customs at Securities and Exchange Commission, pati sa enlistment ng Department of Agriculture food safety regulatory authority bilang importer, at iba pa – ay sapat na dapat para maging imposible ang smuggling.

Kinuwestyon din ni Lacson kung bakit may dalawang ahensya ang DA na nag-iisyu ng Sanitary and Phytosanitary Import Clearances (SPSIC) – ang National Meat Inspection Service at ang Bureau of Animal Industry – kahit na ang NMIS lamang ang may mandato na gawin ito.

“Kaya magulo, kasi masyadong maraming ahensya,” sabi ni Lacson.

“We cannot understand sa dami ng procedures, dadaan sa butas ng karayom, ang daming smuggling. Bakit ang daming carrots, broccoli at imported pork? Ito ang hindi namin maintindihan, lalo ng mga affected, they would never understand,” dagdag pa ng senador.

“Ang suspetsa ko, hindi inter-agency cooperation. Inter-agency conspiracy, kaya lumulusot,” giit ni Lacson.

*****