Ping sa PDEA, DDB: Mas Malalim na Imbestigasyon sa Pagsangkot, ‘Connections’ ng Ilang Tsino sa Drug Operations sa Bansa

Panukalang Batas

Bakit lalong nagiging lantaran ang pagkasangkot sa ilegal na droga ng ilang Tsino sa ating bansa? Gaano na sila katagal namamayagpag dito? May koneksyon ba sila sa pamahalaan?

Ito ang mga tanong na inilahad ni Senador Panfilo Lacson nitong Lunes kasabay ng pagsasabing dapat ay mahanapan ng solusyon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Dangerous Drugs Board (DDB), kasunod ng mga serye ng operasyon ng Philippine National Police (PNP) laban sa ilegal na droga.

“Salute to the PNP! More than these successful police operations, the DDB and PDEA should look deeper into the bold and imprudent behavior of these Chinese nationals to choose the Philippines as their base; how long they had been operating; their possible connections in government, etc.,” saad ni Lacson, na namuno sa PNP noong 1999 hanggang 2001, sa kanyang Twitter account.

Si Lacson ang sponsor ng badyet ng PDEA, ahensiyang nakikipagkoordinasyon sa mga alagad ng batas sa paglaban sa ilegal na droga; gayundin ang sa DDB na bumubuo ng mga panuntunan sa pag-iwas at pagkontrol sa pagkalat nito.

Ayon sa PNP, nasa P1.482 bilyong halaga ng pinaghihinalaang methamphetamine hydrochloride (shabu) ang kanilang nasamsam sa anti-illegal drug operations sa Quezon City, Valenzuela City at Balagtas, Bulacan nitong Linggo, Agosto 1.

Napatay sa operasyon ang isang Chinese drug suspect na inisyal na kinilalang Wu Zishen, 50. Apat pang mga pawang Tsino rin ang naaresto.

Naaresto sina Willie Lu Tan, Anton Wong, at Wang Min sa operasyon sa Novaliches, Quezon City na kung saan ay nakuhanan ng 127 kilo ng shabu na may halagang P863.6 milyon. Sa operasyon sa Valenzuela City, nasakote naman ang isang Joseph Dy at narekober ng mga awtoridad ang 16 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P108.8 milyon. Humantong naman sa pagkakapatay kay Wu ang isa pang operasyon sa Bulacan Wu at nakuha rin ang 75 kilo ng shabu na may halagang P510 milyon.

pinglacson.net Gumagamit ng cookies itong website para mas mainam ang user experience sa website na ito. Narito ang karagdagang detalye sa cookie policy namin here.