Sa mga Insulto ng Pangulo sa mga Nag-iimbestiga ng Anomalya sa PS-DBM

Una, hindi ko maintindihan ang puna ng Pangulong Duterte sa buhok ko. Matagal nang ganito ang buhok ko, bago pa man siya nawalan ng tamang huwisyo. Pero sa kanyang pag-iinsulto, naipakita na siya at si Sen. Bong Go, hindi mapaghiwalay. For better or for worse, in sickness and in health. Marahil nga ay may joint bank account pa sila sa bangko.

Dumadami sa mga nakausap ko ang nakakapuna sa mga wala nang saysay na ad lib ng Pangulo sa kanyang mga talumpati, kabilang na rito ang kanyang State of the Nation Address (SONA).

Hindi malayong isipin na nasa “panic mode” ang Pangulo at tinatangka niyang pahinain ang loob ng Senado sa imbestigasyon sa maanomalyang pagbili ng overpriced na medical supplies, lalo na’t umaabot na ito sa bakuran ng Malacañang. Malakas na mensahe ang dala ng video kung saan si Michael Yang – isang Tsino na pumirma ng kontrata bilang presidential consultant at tumatanggap ng P1 na taunang sahod sa gobyerno – ay kampanteng nagpapakilala sa mga opisyal ng Pharmally Corp.

Sa kabila nitong lahat, hindi magpapatinag ang Senado. Marami pang bagay na matutuklasan at sisiyasatin para mailantad at makasuhan sa tamang panahon ang lahat na sangkot sa krimeng nagpapahirap sa mga Pilipinong nagdurusa sa gitna ng pandemya.

pinglacson.net Gumagamit ng cookies itong website para mas mainam ang user experience sa website na ito. Narito ang karagdagang detalye sa cookie policy namin here.