Kilalanin si Ping Lacson

Ang tama, ipaglaban. Ang mali, labanan.

Ito ang naging gabay ni PANFILO "PING" MORENA LACSON sa kanyang misyon na patuloy na isulong ang tama at labanan ang katiwalian sa loob ng kanyang 50 taong pagseserbisyo bilang tagapagpatupad ng batas at mambabatas, at sa pagtulong sa kapwa.

Unang nakilala si Lacson na matapang at walang sinasanto habang naninilbihan sa Philippine Constabulary at Philippine National Police: Marami siyang nalutas na krimen kasama ang kidnap-for-ransom noong 1980s at 1990s. Bilang Chief PNP noong 1999 hanggang 2001, naibalik niya ang tiwala ng publiko sa kapulisan.

Sa Senado, naging masigasig na bantay si Lacson ng kaban ng bayan. Hindi nakakalusot sa kanya ang kaduda-dudang "congressional insertions" (a.k.a. pork barrel) sa pambansang badyet. Ang mga walang saysay na panggastos ay pinapatanggal niya sa badyet sa plenaryo.

Dahil sa kanyang paglaban sa katiwalian, kasama ang pagtutol sa lahat ng uri ng pork barrel, ginawaran siya ng Doctor of Laws, Honoris Causa ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila noong Marso 2019.

Para sa akin, ang pagpasya na tumakbo sa pagkapangulo ay kasing-sagrado ng pagboto mismo. Dahil sagrado ang ating boto, ang mga nais maging pinuno ay dapat maghanda para sa kanilang papasuking trabaho. Dito nakasalalay ang buhay ng kababayan natin. Hindi uubra ang photo op at lip service sa paglutas sa mga problemang hinaharap natin.

Payak na Simula

Isinilang si Ping Lacson sa ika-1 ng Hunyo, 1948 sa Imus, Cavite. Pang-apat siya sa walong anak ni Buenaventura Lacson na nagtrabaho bilang jeepney driver, at ni Maxima Lacson na naging tindera sa palengke. Nag-aral at nagtapos si Ping sa Bayang Luma Elementary School at Imus Institute. Nakamit niya ang postgraduate degree na Masters in Government Management sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila noong 1996.

Pangarap ni Ping na maging abogado at magsilbi bilang ahente ng National Bureau of Investigation. Nguni't tila iba ang kanyang tadhana nang inalok siya ng kaibigan niya na mag-apply sa Philippine Military Academy (PMA). Pumasa si Ping sa entrance exams at dito na nagsimula ang karera nya sa military.

Nagtapos si Ping sa PMA bilang bahagi ng Matatag Class ng 1971. Dito niya lubos na natutunan ang kahalagahan ng Katapangan, Integridad at Katapatan sa pagiging tunay na pinuno.

Sumali si Ping sa Philippine Constabulary, at sa Philippine National Police nang na-decommission ang PC noong 1991.

pinglacson.net Gumagamit ng cookies itong website para mas mainam ang user experience sa website na ito. Narito ang karagdagang detalye sa cookie policy namin here.