Una sa lahat ay nais ko munang magbigay-pugay at bigyang papuri ang lalawigan ng Rizal na itinanghal bilang Most Competitive Province sa buong bansa noon lamang 2024; at ang Antipolo City ay tinanghal naman bilang Most Business-Friendly Component City sa buong bansa noong 2023. Ang ibig sabihin nito, kapag matitino at magagaling ang namumuno, may mapupuntahan ang ating local government units. Kaya Governor Nina, Mayor Jun, congratulations, keep up the good work, maraming salamat sa inyong lahat.
Ako nga pala ang inyong abang lingkod, dating Sen. Ping Lacson, na kung papahintulutan ng ating Panginoong Diyos at sa inyong kapahintulutan na rin, ay babalik sa Senado. Ang akin pong dalang baon sa kampanyang ito ay tatlong K lamang: Karanasan, Kwalipikasyon, Kakayahan.
Bilang dating sundalo at dating alagad ng batas, hindi ko na po mabilang ang aking natulungan nating kababayan na mga naging biktima ng krimen. Marami na rin akong nailigtas na mga biktima ng mga kidnappers. At bilang hepe ng Pambansang Pulisya ng Pilipinas, ako po ang nagpatigil ng kotong sa kalsada, at nagdisiplina at nagpaliit ng mga tiyan ng ating mga pulis.
Bilang dating senador, ako po ay nakapagpasa ng mga mahalagang batas tulad ng Anti-Red Tape Act, National ID System, Free Irrigation Act, Student Fare Discount Act, Anti-Terrorism Act, Anti-Money Laundering Act. At ako rin ang tinaguriang bantay sa kaban ng bayan.
Bilang panghuling mensahe, ito lang po ang aking masasabi. Ito pong eleksyon na ito, wala akong pinatutungkulan sa mahigit na 60 tumatakbong senador sa ating bansa. Apat na uring kandidato ang inyong pwedeng pagpilian:
Una: ang marunong magtrabaho at hindi nangungurakot;
Pangalawa: ang marunong at masipag magtrabaho pero nangungurakot;
Pangatlo: hindi marunong magtrabaho, tamad, pero di naman nangungurakot;
At ang pang-apat: yung hindi na nga marunong magtrabaho, tamad, nangungurakot pa.
Ang tanong, may pagasa po ba ang ating bansa? Ang sagot: Nasa inyo pong mga kamay ang kasagutan. Bahala na po kayong manuri at magpasiya kung sino sa apat na uri ng mga kandidato para sa senador ang inyong pipiliin.
Magandang hapon po sa inyong lahat at maraming maraming salamat sa ating mga kababayan dito sa lalawigan ng Rizal at sa Antipolo City.
*****

