Online monitoring sa mga gov’t projects itinulak ni Ping

Puwede nang masubaybayan ng mga mamamayan ng isang partikular na rehiyon o lalawigan sa mas madali at mabilis na paraan ang itinatakbo ng mga proyektong ipinatupad ng kanilang mga lokal na opisyal,

Ito ay sa pamamagitan ng iminumungkahi ni Senador Panfilo Lacson na pagpapatupad sa buong bansa ng sistemang ginagamit ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) sa pagmonitor sa mga proyekto ng rehiyon.

Sa sistema kasi na ginagamit ng ARMM ay madaling malalaman kung hanggang saang yugto na ang nararating ng isang proyekto dahil sa internet na lamang ito binibisita sa pamamagitan ng Google Map application. 

“I would suggest (that this be implemented at the) provincial level. Provincial governments should replicate the ARMM’s map-based solution,” banggit pa ni Lacson, pangunahing may akda ng Budget Reform Advocacy for Village Empowerment (BRAVE) bill na dininig na sa Senado.

Sa naturang sistema, hindi na kailangan pang magkabit ng mga tarpaulin sa mga gilid ng daan para ipabatid ang proyekto dahil lahat ng detalye sa mga ito ay makikita na sa pagbisita lamang sa internet.

Ang nabanggit na Web applications ay pinondohan ng P100 milyon sa ilalim ng BRAVE bill ni Lacson na noong panahon pa lamang kampanya sa nakalipas na eleksiyon ay umani na ng kaliwa’t-kanang suporta buhat sa mga pinuno ng mga lokal na pamahalaan na nakausap ng mambabatas.

Kabilang sa mga impormasyon ng isang partikular na proyektong minomonitor ay ang halaga, lokasyon, kontraktor, mga bahaging natapos na at tatapusin pa, bilang ng makikinabang at ang opisyal na mananagot kapag ito ay pumalpak.

*****

Leave a Reply