Mga kasinungalingan laban kay Sen. Lacson, at ang katotohanan. Wala nang paligoy-ligoy pa!
[Mag-click o mag-tap dito para sa English version]
MGA ISYU:
* Pork at ang Pambansang Badyet: Pag-abuso sa badyet ng ganid na politiko, sa ngalan ng ‘pork.’
* Bagong Senado: Ang bagong tahanan para sa Senado.
* Pension para sa MUPs: Pension and Gratuity Funds (PGFs) para sa Military and other Uniformed Personnel (MUPs).
* Yolanda Rehab: Pagtulong sa mga nasalanta ng Yolanda.
* Katiwalian sa Bureau of Customs: Pagbunyag ng iregularidad sa ahensya.
* Mga Lumang Paratang: Paulit-ulit na akusasyon na pinupukol kay Sen. Lacson nang nasa PC/PNP siya at noong unang mga taon niya bilang senador.
* PATAWAD at PAGSISISI: Paghingi ng patawad kay Ping Lacson dahil sa pekeng balitang ibinato sa kanya.
*****
Usaping Pork at ang Pambansang Badyet:
[balik sa MGA ISYU]
* Hinarang ba ni Sen. Lacson ang 2019 budget para resbakan si Speaker Gloria Arroyo?
* May mali ba sa ginawa ng Kamara na mag-itemize ng badyet matapos ito ratipikahin?
* Nanganganib ba ang ‘Build, Build, Build’ at ibang programa dahil sa pagharang ng Senado sa nagalaw na badyet?
* Hindi raw magkakaroon ng pension increase ang retiradong military and uniformed personnel sa 2019 dahil kinaltas ng Senado ang pondo para rito?
* May sariling pork insertion daw si Sen. Lacson?
* Bagama’t salungat si Sen. Lacson sa pork barrel, totoo bang pabor siya sa lump sums?
* Gusto ba talaga ni Sen. Lacson na mabigo si Pangulong Rodrigo Duterte?
❌KASINUNGALINGAN: “Hinarang ni Sen. Lacson ang pagsasabatas ng P3.757-trilyon na 2019 budget bilang ‘vendetta’ (resbak) kay House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo.”
✔️KATOTOHANAN:
1. Walang kaugnayan ang personal na saloobin o damdamin ni Senador Lacson sa kanyang pagpuna sa mga kabulastugan na nangyayari sa badyet. Bahagi lamang ito ng kanyang pagbabantay sa kaban ng bayan na itinuturing na “lifeblood” ng ating bansa. Matagal nang krusada ni Senador Lacson ang pagpuksa sa pork barrel na ugat ng paghahangad at katakawan ng maraming kasapi ng lehislatura.
2. Kung may resbak o ‘vendetta’ man, ito ay laban sa mga politiko na “ganid at walang kabusugan sa pera ng mamamayang Pilipino.”
3. Matagal nang napatawad ni Sen. Lacson si Speaker Arroyo. Nagkamayan pa silang dalawa nang magkita sa bicameral conference committee meeting para sa National ID bill noong 2018.
4. Bagama’t sinabi ni Sen. Lacson na “I have forgiven all my tormentors for the past nine years under (Mrs. Arroyo’s) administration,” at kahit pa nagkaayos na sila ni Speaker Arroyo, ay pupunahin pa rin niya ito kung may nakikita siyang mali at salungat sa mga adbokasiya nya laban sa katiwalian sa pamahalaan at sa pamamayagpag ng pork barrel.
5. Hindi lamang si Speaker Arroyo, kundi pati ang ibang mambabatas na sangkot sa mali ay pinuna ni Senador Lacson, maging ang mga itinuturing niyang kaibigan.
6. Hindi puwedeng sumang-ayon ang Senado sa paggalaw ng Kamara sa niratipikahang budget bill dahil malalabag ang Saligang Batas, kung saan malinaw ang Art. VI, Sec. 26, Paragraph 2: “Upon the last reading of a bill, no amendment thereto shall be allowed.” Kung pinirma ni Senate President Vicente Sotto III ang nagalaw na panukalang batas, maaari siyang kasuhan ng falsification.
7. Sa usapin ng pagkalikot ng liderato ng Kamara sa 2019 national budget na aprubado na sa bicameral panel at niratipikahan na ng Senado at Kamara, partikular na sa pondo ng DOH-HPEF kung saan nakakuha ng tig-P25 milyon ang mga kaalyado ni Arroyo at P8 milyon lamang ang para sa hindi bumoto sa kanya sa House Speakership, malinaw na inihayag ni Sen. Lacson na mga kongresista rin ang nagsumbong sa kanya, matapos na mahalata ng mga ito ang malaking pagkakaiba ng alokasyon. Mas matindi ang nangyari sa MFO 1 and 2 ng DPWH dahil napakialaman ang P72.319 bilyon na bahagi ng pondo kaya apektado ang Build Build Build projects ng administrasyon.
[balik sa Pork at Pambansang Badyet]
❌KASINUNGALINGAN: “Walang paglabag sa batas o Saligang Batas sa ginawa ng liderato ng Kamara sa pag-itemize ng 2019 budget matapos ito ratipikahin.”
✔️KATOTOHANAN:
1. Lantarang iniligaw ng mga nagsasalita para sa liderato ng Kamara ang pagkalikot nila sa pambansang badyet para mapaniwala ang publiko na ang ginawa nila ay alinsunod sa napagkasunduan at isinasaad sa bicameral report. Pero ang katotohanan ay nag-realign o naglipat sila ng ilang pondo na wala naman sa mga nasulat sa bicameral report.
2. May net increase na P95.1 bilyon ang realignment ng Kamara. Kabilang nito ang pagtanggal ng P72.319 bilyon sa Major Final Output 1 and 2 ng DPWH. Nagbaklas din ang liderato ng Kamara ng P79.7 bilyon sa ilang distrito at nilipat sa mga lugar ng mga kaalyado. Nag-park din ito ng P70 bilyon sa DPWH central office matapos alisin ito sa 87 na District Engineering Offices. Ginawa ito para itago ang mga “pork insertions” ng ilang myembro ng Kamara.
[balik sa Pork at Pambansang Badyet]
❌KASINUNGALINGAN: “Nanganganib ang ‘Build, Build, Build’ at ibang programa dahil inalis ng Senado ang pondo tulad ng P17 bilyon para sa right-of-way projects sa 2019 budget ng DPWH.”
✔️KATOTOHANAN:
1. Sa pagtalakay ng Senado sa 2019 DPWH budget, inamin ng ahensiya na may pondo pa itong hindi nagagamit para sa RROW sa 2018 budget. Ang DPWH mismo ang nagkusang-loob na tanggalin ang P20B dahil hindi nila kailangan at meron silang natira. Kaya naman nagsumite si Sen. Lacson ng amendment para ibaba ang RROW budget ng DPWH.
2. Liderato ng Kamara ang dahilan kung bakit nanganganib ang ‘Build, Build, Build’ nang inalis nito ang P72.319 bilyon mula sa Major Final Output 1 and 2 ng DPWH.
3. Narito ang listahan ng lahat na mga institutional amendment ni Sen. Lacson sa 2019 badyet.
[balik sa Pork at Pambansang Badyet]
❌KASINUNGALINGAN: “Walang pension increase ang retired military and uniformed personnel sa 2019 dahil kinaltas ng Senado ang Pension and Gratuity Fund.”
✔️KATOTOHANAN:
1. Ang Pension and Gratuity Fund allocation sa 2019 budget ay P117 bilyon, mas mataas sa P108.9 bilyon na nagamit noong 2018. Ang badyet para sa MUP pension sa 2019 ay P77 bilyon, mas mataas sa P71 bilyon noong 2018.
2. Kung may kakulangan man ang PGF, maaaring kumuha ang Pangulo ng karagdagang pondo sa ibang sources tulad ng Miscellaneous Personnel Benefit Fund (MPBF), na may P43 bilyon na unused funds noong December 2018.
3. Sinikap ni Sen. Lacson na pataasin ang Pension and Gratuity Fund nang P876.42 milyon sa 2019 badyet para pondohan ang P15,000 na pagtaas sa old-age pension ng 4,869 senior veterans. Nag-co-author din sina Sen. Lacson at Sen. Gregorio Honasan II ng Senate Joint Resolution na pinapataas ang base pay ng military and uniformed personnel sa gobyerno, na inaprubahan at pinirmahan ni Pangulong Duterte bilang Joint Resolution No. 01.
4. Binawasan ng Senate finance committee sa ilalim ni Loren Legarda ang 2019 PGF dahil sa “unutilized funds” sa alokasyon noong nakaraang taon. Noong 2018, P122.2 bilyon ang alokasyon sa PGF nguni’t P13.3 bilyon dito ay hindi nagamit.
5. Inanunsyo ng Department of Budget and Management noong Hunyo 2019 na inilabas na nito ang pension requirements para sa mga retiradong MUPs sa AFP-GHQ, PNP, BFP, at BJMP. “Accordingly, the recently released amounts already include the adjustment of the pension of the retired MUPs as indexed to the base pay scale of MUP in the active service covering the period June to December 2019 based on the available funds as certified by the Bureau of the Treasury,” ayon sa DBM. Dagdag ng DBM, inilabas na ang pondo para rito: P29.9 bilyon para sa AFP-GHQ, P21.7 bilyon para sa PNP, P1.9 bilyon para sa BFP, at P731 bilyon para sa BJMP.
[balik sa Pork at Pambansang Badyet]
❌KASINUNGALINGAN: “May pork barrel si Sen. Lacson dahil nagsulong din siya ng sariling insertions sa 2019 budget.”
✔️KATOTOHANAN:
1. Institutional amendments ang isinulong ni Sen. Lacson. Galing ito sa mga ahensyang nangangailangan ng dagdag na pondo, at batay sa malawakang pag-aaral, konsultasyon at ebaluwasyon na kabilang sa mga pangunahing batayan ng pagkakaloob ng badyet ng Kongreso sa isang ahensiya ng pamahalaan. Lahat ng institutional amendments ni Senador Lacson ay nakalathala sa kanyang website. At para maging bukas sa publiko, hinikayat ni Sen. Lacson ang kapwa mambabatas na gawin din ito.
2. Kabaligtaran ng ginawa ni Sen. Lacson ang individual amendments na isinulong ng ilang mambabatas, kasama ang mga kinatawan ng liderato ng Kamara. Ang mga ito ay iginigiit na pondohan batay lamang sa personal na kapasyahan ng mambabatas, kahit pa walang naganap na konsultasyon o pag-aaral. Kadalasang hindi rin natatalakay ang mga ito sa mga pagpupulong ng Local Development Plans ng mga lokal na pamahalaan.
[balik sa Pork at Pambansang Badyet]
❌KASINUNGALINGAN: “Sinasabi ni Sen. Lacson na sumasalungat siya sa pork barrel pero lumalabas na pabor naman siya sa lump sum appropriations, batay sa kanyang suhestiyon sa Pangulong Rodrigo Duterte sa pulong na naganap sa Malacanang noong Marso 12.”
✔️KATOTOHANAN:
1. Kahit kailan ay hindi sumang-ayon si Sen. Lacson sa mga lump sum appropriations. Pinatunayan niya ito sa pamamagitan ng pag-“dissent” sa ratipikasyon ng Senado sa bicameral committee report ng 2019 budget. Naghayag pa siya ng privilege speech para kondenahin ang lump sum appropriations bago magbotohan ang mga senador sa ratipikasyon ng 2019 budget.
2. Ang malinaw na suhestiyon ni Sen. Lacson sa Pangulo sa nabanggit na pagpupulong ay ang pag-enroll ng bicam-ratified na bersiyon ng 2019 budget at hindi ang kinalikot ng kampo ng liderato ng Kamara, para ang Pangulo na ang bahalang mag-line item veto o tumukoy sa mga proyektong paglalaanan ng lump sum.
3. Hindi maaaring pumayag ang Senado sa bersyon ng badyet na ginalaw matapos maratipika, dahil labag ito sa Saligang Batas, partikular sa Art. VI, Sec. 26, Paragraph 2: “Upon the last reading of a bill, no amendment thereto shall be allowed.”
4. Ang mungkahi ni Sen. Lacson ay kinatigan at inendorso mismo nina Executive Secretary Salvador Medialdea at Finance Secretary Carlos Dominguez III kay Pangulong Duterte dahil nakita nila na ito ang pinakapraktikal at makatuwirang paraan para matapos na ang di-pagkakaunawaan ng magkabilang panig. Ikinuwento din ni Sen. Lacson sa Pangulo ang paraang ito ang sasagip sa ‘Build Build Build’ program na isinusulong ng Pangulo dahil maibabalik sa DPWH ang P72.319 bilyon na binaklas ng panel ng Kamara mula sa MFO1 at MFO2 (Major Final Output). Taliwas na taliwas ito sa ipinagkakalat ni Capiz Rep. Fredenil Castro na hindi nagustuhan ng Pangulong Duterte ang inilalatag ni Sen. Lacson.
[balik sa Pork at Pambansang Badyet]
❌KASINUNGALINGAN: “Gusto ni Sen. Lacson na mabigo si Pangulong Duterte sa mga mithiin niya sa bayan.”
✔️KATOTOHANAN:
1. Noon pang 2016, inihayag ni Sen. Lacson na nais niyang magtagumpay ang Pangulo sa mga mithiin nito sa bayan “because like him and most Filipinos, I also love my country.”
2. Ilang ulit nang sinabi ni Sen. Lacson na ang badyet na ratipikado na ng Senado at Kamara ay hindi na maaring galawin pa dahil ito ay magiging malinaw na paglabag sa Saligang Batas.
[balik sa Pork at Pambansang Badyet]
*****
Bagong Senado
[balik sa MGA ISYU]
* Pagsasayang lang ba ng pondo ang bagong gusali ng Senado?
* Kinain ba ng pondo para sa sariling gusali ng Senado ang badyet para sa pagamutan, paaralan, at pati sa suporta sa sundalong nagbabantay sa WPS?
* Para lang ba sa luho ng mga kasalukuyang senador ang pagtayo at paglipat sa bagong Senado?
❌KASINUNGALINGAN: “Pagsasayang lang ng pondo ang pagtatayo ng bagong gusali ng Senado.”
✔️KATOTOHANAN:
1. Kung hindi pag-iisipan, sa unang tingin, malaking gastos ang pagtatayo ng bagong gusali ng Senado pero kung susumahin sa katagalan, mararamdaman ng lahat ang kahalagahan nito bilang ligtas, makakalikasan, samu’t-saring pakinabang at simbolo ng lehislatura ng Pilipinas.
2. Mababawi ang mga nauna at kasalukuyang ibinabayad bilang upa sa GSIS at parking area sa SSS. Habang tumatagal ang gusali, mararamdaman ang maiipon na pondo na dapat ay nakalaan sa pagbayad ng upa sa nabanggit na mga institusyon.
3. Mula noong 1996 hanggang sa kasalukuyan ay nagbabayad ng upa ang Senado sa GSIS at SSS. Mayo 1, 1996 nang umupa ang Senado sa GSIS at SSS. Kung susumahin, ang naibayad sa mga ito ay umabot na sa P2.24 bilyon. Kung hindi magtatayo ng sariling gusali ay lalo itong lalaki dahil taun-taon, nasa P171 milyon kada taon ang upa ng Senado sa GSIS.
4. Magiging inspirasyon ng mga susunod na henerasyon ng mambabatas ang gusali dahil ito ay sisimbulo sa dignidad ng lehislatura ng Pilipinas
❌KASINUNGALINGAN: “Ang bilyon-bilyon na pondo para sa pagtatayo ng bago at sariling gusali ng Senado ay kumain sa badyet para sa pandemic response; sa mga pagamutan, paaralan, kalsada at mga tulay; at para sa suporta para sa sundalo nating nagbabantay sa ating EEZ sa West Philippine Sea.”
✔️KATOTOHANAN:
1. Ang pork barrel ang pangunahing dahilan ng pagkaantala ng mga pagawaing bayan kagaya ng mga tulay, kalsada, mga paraalan at pagamutan dahil inuna ng liderato ng Kamara ang pagpondo sa mga proyekto ng mga kongresistang kaalyado nito.
2. Napatunayan sa malalimang pag-aaral sa 2019 national budget na kinaltasan ng liderato ng Kamara ang ‘Build, Build, Build’ projects ng administrasyong Duterte, partikular ang Final Major Output (FMO) ng DPWH sa halagang tumataginting na P72 bilyon. Ang halagang ito ay kung ilang beses na malaki sa P8.5 bilyon na inilaan ng Senado sa pagtatayo ng bagong gusali.
3. Walang ugnayan ang pondo para sa Senate building at sa pondo para sa pandemic response.
4. Wala ring ugnayan ang pondo para sa Senate building (na sinuportahan ng mga senador sa ika-17 Kongreso) at sa pagsuporta sa ating mga sundalong nagbabantay sa ating EEZ sa West Philippine Sea. Si Sen. Lacson din ay nagpakita ng kanyang buong suporta para sa DND sa pamamagitan ng pag-sponsor sa taunang badyet nito. Panoorin ang mga video kung saan in-sponsor niya ang badyet para sa 2018, 2019, 2020, at 2021.
❌KASINUNGALINGAN: “Para lang sa luho ng mga kasalukuyang senador ang pagtayo at paglipat sa bagong Senado.”
✔️KATOTOHANAN:
1. Hindi sinasadya kung sakaling ang mga kasalukuyang senador man ang unang makapunta sa bago at sariling gusali ng Senado dahil nagkataon lamang na sa termino nila ito matatapos, pero ang mga susunod na mahahalal ay dito na rin lilikha at lilinang ng mga panukalang batas. Ang gusali ay magiging bukas din sa publiko katulad ng natatamasa nila ngayon, bagama’t limitado ang espasyo at uugod-ugod na ang mga pasilidad.
2. Handa na rin ang magiging bagong gusali ng Senado kung sakaling matuloy ang pederalismo dahil sa halip na kasalukuyang 24, aabot sa 60 senador ang puwedeng umukupa sa gusali, bukod pa sa mga espasyong puwede nitong paupahan sa ibang tanggapan at sangay ng pamahalaan.
3. Taong 2000 pa nabuo ang panukalang pagtatayo ng sariling gusali ng Senado subali’t nagbago ang prayoridad ng mga naunang nagsulong nito. Noong 2017, isinulong ni Sen. Sherwin Gatchalian ang paggawa ng bagong Senate Building sa pamamagitan ng Senate Resolution 293. Inatasan ang Senate Committee on Accounts sa ilalim ni Senator Lacson para i-oversee ang proyekto.
4. Bukod sa Senado, magpapatayo din ng sariling gusali ang Korte Suprema sa lungsod ng Taguig.
*****
PGFs Para sa MUPs
[balik sa MGA ISYU]
* Pinabayaan ba ni Sen. Lacson ang pensyon ng MUPs?
❌FAKE: “Hindi inaksyunan ni Sen. Lacson ang Pension and Gratuity Funds ng mga MUPs.”
✔️FACT:
1. Sapat at kadalasan ay sobra pa ang pondo para sa mga benepisyo ng ating mga retiradong pulis, sundalo at other uniformed services. Mula 2014 hanggang 2021, may nakalaang budget para rito, pero malaking bahagi nito ang hindi ginamit.
2. Sinikapan ni Sen. Lacson na makabuo ng mekanismo para sa pension ng mga MUPs. Nagtawag siya ng pagdinig sa Senado tungkol dito noong Oktubre 2020, Pebrero 2021, at Mayo 2021.
3. Noong 2017, inakda ni Sen. Lacson at Sen. Gringo Honasan ang Senate Joint Resolution No. 1 na pinapataas ang sweldo ng MUPs. Ito ay inaprubahan at pinirmahan ni Pangulong Duterte bilang Joint Resolution No. 1 noong 2018. Sa resolution na ito, tumaas ang base pay at monthly retirement pay ng MUPs. Sa 2019, at par na ang pension sa pay increases ng mga active counterparts nila. Nakinabang sa pension indexation ang 200,000 retirees pero hindi kasama rito si Sen. Lacson, na nangakong hindi mag-avail sa incremental increase sa pension sa 17th Congress.
*****
Yolanda Rehab
[balik sa MGA ISYU]
* May utang na loob ba sa pagkakatalaga kay Sen. Lacson bilang PARR?
* Sinayang ba ni Sen. Lacson ang pantulong para sa biktima ng Yolanda?
* Kinunsinti ba ni Sen Lacson si dating DILG Sec. Manuel Roxas II?
❌KASINUNGALINGAN: “Utang na loob ang dahilan ng pagkakatalaga ng dating Pangulong Benigno Aquino III sa noon ay dating Senador Panfilo Lacson bilang Presidential Assistant for Rehabilitation and Recovery (PARR).”
✔️KATOTOHANAN:
1. Hindi usapan ng utang na loob ang pagkakatalaga kay Lacson bilang PARR kundi isang matinding pagsubok sa kanyang kakayahan na pamunuan ang isang ahensiyang nahaharap sa kawalan bunga na rin limitadong kakayanan ng gobyerno para harapin ang pinsala ni Yolanda/Haiyan. Kabilang na sa naging tungkulin ni Lacson na ginampanan niya sa unang pagkakataon sa kanyang buong buhay ay kung paano pag-ugnayin ang pampubliko at pribadong sektor sa pagtulong sa mga nabiktima ng bagyo, sa harap ng katotohanang magkaiba ang prayoridad ng mga ito sa pagtulong. Ang PARR ay nabuo lamang sa bisa ng Memorandum Order 62 at bagama’t ito ang tumayong pangunahing ahensiya para sa rehabilistasyon ng Yolanda victims, hindi naman ito pinangasiwa sa mga pondong nalikom.
2. Sa unang araw ng kanyang pagtatrabaho bilang PARR, nagkaroon si Lacson at dating Pangulong Aquino ng pagtatalo dahil sinalungat ni Aquino ang mungkahi ni Lacson na lapitan na rin ang pribadong sektor sa mga rehabilitation efforts. Ginawa ni Lacson ang mungkahi dahil sa sobrang lubha ng pinsala ni Haiyan, hindi makakaya ng gobyerno na solohin ang pagbangon at rehabilitasyon. “I strongly believed that government could not do it alone, and I wanted to succeed in my assigned task,” pagbabalik-tanaw pa ni Lacson..
3. Bago magbitiw bilang PARR, tinapos ni Lacson ang 8,000-pahinang Comprehensive Rehabilitation and Recovery Plan na naglalaman ng mga rekomendasyon, plano at lahat ng posibleng solusyon, kabilang na ang pagtutulungan ng gobyerno at pribadong sektor, sa mga problemang kinaharap ng mga nabiktima ng Yolanda. Ito ay sa harap ng sisinghap-singhap na pondong ipinagkaloob sa ahensiya bilang tagapangasiwa lamang. “Were it not for the invaluable help from the non-government sector, the environment at the OPARR would have been a sure formula for failure,” banggit ni Lacson.
4. Nagtaka ang mga malalapit na kaibigan ni Lacson kung bakit ikinompromiso niya ang sarili nang tanggapin ang napakabigat na responsibilidad ng PARR na walang kaakibat na awtoridad. “The nature of the task prompted well-meaning friends to ask me if I felt like a fool in accepting a job without first seeking the commensurate powers and authority from the President, quite similar to the near absolute power and authority of Pak Kuntoro, Indonesia’s rehabilitation czar who rebuilt Bandah Aceh from the ruins of the December 2004 tsunami,” banggit pa ni Lacson.
5. Kahit salat sa pondo at kakarampot ang kapangyarihan, pinasan ni Lacson ang obligasyon ng pagiging PARR dahil sa pagiging makatao. Iba ito sa mga naging tungkulin niya noong siya ay aktibo pa sa unipormadong serbisyo. “If this were a war mission, I would have definitely asked how much firepower and logistics I had at my disposal before accepting. But since it was for a purely humanitarian cause, such questions, such demands become irrelevant,” paliwanag ng senador.
❌KASINUNGALINGAN: “Sinayang ni Lacson ang pantulong para sa mga biktima ng Yolanda.”
✔️KATOTOHANAN:
1. Mula una hanggang huling araw bilang OPARR, walang pondo para sa rehabilitasyon na dumaan o pumasok sa kaban ng ahensiya. Naging tagapangasiwa at taga-rekomenda lamang ito ng gagawin sa mga ibang ahensiya ng pamahalaan at mga pribadong institusyon na tumulong sa mga biktima ng Yolanda.
2. Walang sariling opisina ang OPARR. Naantala ng hanggang anim na buwan ang suweldo ng mga kawani nito. Nagkaroon lamang sila ng opisina na matatawag na sarili nila nang mag-alok ng espasyo ang mga kaibigan ni Lacson.
3. Sa kabila ng mga kahirapang naranasan nila, nabuo ni Lacson at ng kanyang staff ang Comprehensive Rehabilitation and Recovery Plan na isinumite kay noo’y Pangulong Aquino noong Aug. 1, 2014. Pinuri rin ang OPARR sa mga ginawa nito.
❌KASINUNGALINGAN: “Kinunsinti ni Lacson si dating DILG Secretary Manuel Roxas II sa umano’y hindi nito maayos na sistema ng paghawak ng sitwasyon ng mga nabiktima ng Yolanda.”
✔️KATOTOHANAN:
1. Walang pagkunsinti na naganap dahil kung ang pag-uusapan ay ang paglalabas ng pondo, hindi kay Roxas nagmumula ang mga ito.
2. Ang pondo ng pamahalaan para sa mga nabiktima ng Yolanda ay hawak ng DBM.
*****
Katiwalian sa Bureau of Customs
[balik sa MGA ISYU]
* May kinalaman ba ang anak ni Sen. Lacson sa cement smuggling?
❌KASINUNGALINGAN: “Sangkot sa cement smuggling ang anak ni Sen. Lacson.”
✔️KATOTOHANAN:
1. Ang paratang ay galing kay ex-BOC Commissioner Nicanor Faeldon, isang araw matapos siyang banggitin ni Lacson sa kanyang privilege speech na nagdedetalye ng katiwalian sa BOC.
2. Ang semento ay hindi subject sa Customs tariff at duties. Ayon sa Tariff Commission, zero tariff ang Portland cement sa ACFTA, na free trade area sa China at ang 10 ASEAN member states kasama ang Pilipinas.
3. Taliwas sa kanyang pinagmamalaki, walang naipakitang ebidensya si Faeldon, at wala siyang sinampahang kaso sa anak ni Lacson. Lumalabas dito na nililihis lang ni Faeldon ang atensyon ng publiko sa katiwalian sa BOC.
4. Si Faeldon ay isa sa mga sinampahan ng reklamo ni Lacson sa Ombudsman sa kasong economic sabotage, base sa isang kaso ng rice smuggling sa Cagayan de Oro noong 2017.
[balik sa Katiwalian sa Bureau of Customs]
*****
Mga Lumang Paratang
[back to MGA ISYU]
* Diumano’y pag-aabuso noong Martial Law (1970s-1980s)
* Mayor Antonio Sanchez (1993)
* Kuratong Baleleng case (1995)
* Dacer-Corbito case (2000)
* Narco-Politics at Diumanong Yaman (2001)
❌KASINUNGALINGAN: “Sangkot si Lacson sa pag-abuso na diumano’y ginawa ng MISG at Metrocom noong panahon ng Batas Militar.”
✔️KATOTOHANAN:
1. Sa kanyang pagtatapos sa PMA, in-assign si Lt. Lacson sa Metrocom Intelligence and Security Group mula 1971 hanggang 1986. Ang trabaho niya ay may kinalaman sa intelligence-gathering.
2. Umani ng puri si Lacson dahil sa kanyang pagpanig sa tama. Marami rin siyang nailutas na kasong kidnap-for-ransom, kasama ang pagdukot kay Robina Gokongwei noong 1981. Si Lacson ang namuno sa rescue team kay Robina, at magalang nitong itinanggi ang gantimpalang inialok sa kanya.
[balik sa Mga Lumang Paratang]
❌KASINUNGALINGAN: “Naging tulay diumano si Lacson para sa jueteng payola ni noo’y Bise Presidente Joseph Estrada galing kay noo’y Calauan, Laguna Mayor Antonio Sanchez – na nahatulan sa rape-murder ni Eileen Sarmenta at pagpaslang kay Allan Gomez.”
✔️KATOTOHANAN:
1. Nang nasa Philippine Constabulary at Philippine National Police si Lacson, nagsagawa siya ng totohanang kampanya laban sa operasyon ng jueteng. Ang matigas na paninindigan ni Lacson ang naging mitsa upang mapag-initan siya ng mga lokal na opisyal na tinamaan ng kanyang kampanya, at pati ni Estrada mismo nang naging Pangulo na ito.
2. Harapang tumanggi si Lacson sa mga suhol ng mga jueteng operators, kasama na rito ang kanyang pagsilbi bilang provincial police commander ng Laguna.
❌KASINUNGALINGAN: “Isa si Lacson sa nagtangkang ilihis ang ebidensya para mawalang-sala si Mayor Sanchez.”
✔️KATOTOHANAN:
1. Hindi nilihis ng Presidential Anti-Crime Commission Task Force Habagat na pinamumunuan ni Lacson ang kaso laban kay Sanchez. “Pag nag-iimbestiga kami, hanggang ngayon pag nag-iimbestiga ako, wala akong tina-target. Kung anong takbo ng investigation, we go by the evidence.”
2. Ayon kay Lacson, lumabas sa imbestigasyon nila na si Sanchez ay “equally guilty with the other primary suspect who was cleared by the other investigating unit and DOJ.”
[balik sa Mga Lumang Paratang]
❌KASINUNGALINGAN: “Pinamunuan ni Lacson ang diumano’y pagpaslang sa mga miyembro ng Kuratong Baleleng noong 1995.”
✔️KATOTOHANAN:
1. Hindi maaring pamunuan ni Lacson ang operasyon laban sa kinatatakutan at pusakal na Kuratong Baleleng Gang dahil sa naturang panahon, siya ay pinuno ng Task Force Habagat ng Presidential Anti-Crime Commission, na bahagi lamang ng mas malaking composite team na binuo upang labanan ang sindikatong nagsasagawa ng bank robberies at kidnapping sa Metro Manila.
2. Ang kasong isinampa laban sa Senador kaugnay sa paratang na ito ay binalewala ng korte noong 1999. Bagama’t muli itong binuksan noong administrasyong Arroyo, ibinasura uli ito noong 2003. Kinatigan ng Korte Suprema na itiklop ang asunto “with finality” noong Nobyembre 2012.
[balik sa Mga Lumang Paratang]
❌KASINUNGALINGAN: “Si Lacson ang mastermind sa pagpaslang noong 2000 sa publicist na si Salvador “Bubby” Dacer at sa driver nitong si Emmanuel Corbito. Tinakasan niya ang kaso laban sa kanya.”
✔️KATOTOHANAN:
1. Pangunahing target ng pandadahas ng Arroyo administration si Senador Lacson mula nang maupo si Gloria Macapagal-Arroyo sa Malacanang noong 2001. Ang mga asunto laban kay Senador Lacson ay buhat sa mga kuwento ni ex-Police Col. Cezar Mancao II na tahasang pinabulaanan ni Senador Lacson dahil pinilit lamang umano si Mancao ng Office of the President na pirmahan ang reklamo.
2. Ibinasura ng Court of Appeals ang murder charges laban kay Senador Lacson noong Pebrero 2011 sa kadahilanang “not a credible and trustworthy” witness si Mancao. Noong 2015, inamin ni Mancao na siya ay “pressured” lamang ng Arroyo administration para idiin sa kaso si Senador Lacson. Humingi ng tawad si Mancao kay Senador Lacson at umamin na wala siyang personal na impormasyon sa mga naging paratang laban sa kanya.
3. Hindi tinakasan ni Lacson ang kanyang kaso nang siya ay lumabas ng bansa noong Enero 2010 bago pa man ilabas ng gobyerno noon ang warrant of arrest laban sa kanya, na bahagi pa rin ng pang-iipit sa kanya. Pinagbatayan ng mambababatas ang desisyon ng Korte Suprema sa kasong Miranda vs Tuliao (nasa pahina 64 ng desisyon ng CA) na nagsasaad na ang isang akusadong nakakalaya pa rin sa kabila ng ipinalabas na warrant of arrest ay uubrang makapaghain ng petition for certiorari and prohibition, para maikatawan siya ng kanyang mga abogado sa pagdinig sa kaso. Si Lacson ay lumayo sa nakararami sa loob ng 13 buwan bilang fugitive from injustice dahil sa masamang tangka sa kanya ng administrasyon at bumalik sa Pilipinas noong Marso 2011.
4. Kinatigan ng Kataas-taasang Hukuman ang naunang desisyon ng Court of Appeals na nagbabasura sa double murder case na isinampa laban kay Lacson. Nobyembre 2011 nang ibaba ng pinakamakapangyarihang hukuman sa bansa ang pinal nitong desisyon na nagbabasura sa motion of reconsideration ng mga Dacer.
[balik sa Mga Lumang Paratang]
❌KASINUNGALINGAN: “Si Lacson ang naging protektor ng Chinese drug cartels. Hindi siya kumuha ng kanyang pork barrel allotment dahil hindi niya ito kailangan. Naimbestigahan din siya ng US Drug Enforcement Agency.”
✔️KATOTOHANAN:
1. Kahit kailan ay hindi nagkaroon ng imbestigasyon ang US DEA kay Lacson.
2. Si Lacson ay target ng panggigipit ng Arroyo administration mula 2001, nang inagaw ni Gloria Macapagal-Arroyo ang kapangyarihan. Ito ay isa lamang sa maraming paratang na ginawa ng Arroyo administration laban kay Lacson.
3. Pinuri si Lacson ni Jeffrey Wendling, ang US DEA agent sa Pilipinas noong panahong iyon, sa isang talumpati sa US Embassy noong May 5, 2003. Pinuri ni Wendling si Lacson sa pakikipagugnayan nito sa kanila laban sa bawal na droga, simula 1993 nang pinuno si Lacson ng Task Force Habagat ng Presidential Anti-Crime Commission. Nanatiling matatag ang kooperasyon ni Lacson sa US DEA noong hepe siya ng Philippine National Police at ng Presidential Anti-Organized Crime Task Force.
Nasa US Embassy noon sina noo’y ISAFP chief Victor Corpus at ang namayapa nang NBI Director Reynaldo Wycoco. Napahiya ang dalawa nang pinuri ni Wendling si Lacson. Si Corpus ay nagmadaling umalis.
4. Noong Hunyo 2003, inimbita si Lacson sa dinner-meeting kasama ng foreign police attaches sa Manila, kasama ang deputy country attache ng US DEA in Manila; at attaches ng Taiwan, United Kingdom, Australia, at Japan. Sina Mark Connell, acting US DEA country attaché, at Daniel Cruz, US DEA resident criminal investigator, ay kasama rin sa pagtitipon. Kung sangkot si Lacson sa kriminalidad, bakit pa siya naimbita sa dinner meeting na ito?
❌KASINUNGALINGAN: “May tinagong mga bank account si Lacson sa Estados Unidos.”
✔️KATOTOHANAN:
1. Pinabulaanan na ito ni Lacson, kasama ang paghamon sa mga nagbibintang sa kanya na maglabas ng ebidensya ng ganoong bank accounts. Ani Lacson, kung may mahanap silang bank account sa US, kanila na yan. Hanggang ngayon, walang lumabas na ganoong pruweba.
2. Kung may ganoong account si Lacson sa US, dapat ay inimbestigahan at kinasuhan na siya ng US anti-money laundering authorities. Ang hindi pag-imbestiga at pagsampa ng kaso ay nagpapatunay na walang tinagong bank account si Lacson sa US.
[balik sa Mga Lumang Paratang]
Patawad at Pagsisisi
[balik sa MGA ISYU]
* Paghingi ng patawad ni dating ISAFP chief Victor Corpus (2017)
* Paghingi ng patawad ng Philippine Daily Inquirer (2019)
Paghingi ng patawad at pagsisisi ni dating ISAFP chief Victor Corpus, 2017:
1. Noong Abril 2017, nagsalita si Corpus sa isang programa sa Global News Network at jnamin niyang nalinlang siya ng “star witness” niyang si Angelo “Ador” Mawanay. “This grievous mistake that I have committed maligned the reputation of Sen. Panfilo Lacson. With this grave error on my part, I humbly and sincerely offer my public apology to Sen. Lacson and his entire family,” banggit ni Corpus. Bago nito, matagal nang binawi ni Mawanay ang mga paratang niya laban kay Senador Lacson.
2. Tinanggap ni Lacson ang paghingi ng tawad ni Corpus, at pinuri ang kanyang pagpapakumbaba. “In the spirit of fairness and balanced reporting … it is but proper and decent for those who relied heavily on their statements, as the central characters responsible for incessantly maligning my reputation to follow suit, or at least make amends, not pecuniarily, but simply to restore the moral damage they have done to my dignity and honor,” dagdag ng Senador.
Apology ng Philippine Daily Inquirer, 2019:
1. Noong Mayo 2019, inilathala ng Inquirer ang paumanhin at paghingi ng tawad para sa ilang balita at mga pitak ni Ramon Tulfo na naitampok noong Hulyo 2001. Kabilang sa mga paratang laban kay Senador Lacson ay:
– ang diumano’y mga masamang ginawa ni Sen. Lacson nang nasa Philippine Constabulary pa siya, base sa kuwento ni Francisco “Kit” Mateo.
– diumano’y multimillion-dollar account ni Sen. Lacson sa Estados Unidos, base sa intelligence report ni Corpus na ibinigay sa noon ay Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
2. Ang Inquirer mismo ang nagsabing binawi ni Mateo ang kanyang kuwento bago ito pumanaw dahil sa colon cancer noong Enero 2001. Sa kabilang panig, inamin ni Corpus na ang kaisa-isang source ng “intelligence report” niya ay si Ador Mawanay, na kalaunan ay lumabas na nanloko lamang at nadiskubri din na marami nang kinasangkutan na insidente ng panggagantso. “(The Inquirer) sincerely apologizes for the published articles based on testimonies of persons that turned out later to be false,” bahagi ng paghingi ng paumanhin at patawad ng Inquirer na kanilang inilathala.
3. Tinaggap ni Lacson ang paghingi ng patawad ng Inquirer. Sa isang tweet, pinuri niya ang PDI para sa pagpapakumbaba at kalakasan ng loob nito na itama ang pagkakamali sa idinulot na maling impresyon ng publiko sa kanya. “Getting back my honor and dignity matters a lot to me. It is with equal humility that I accept your apology,” bahagi ng pasasalamat ng mambabatas.
*****