Faeldon, Sinampal ni Lacson ng Economic Sabotage sa Ombudsman

Dahil sa pagpapalusot ng mga nakumpiskang ipinuslit na bigas papasok sa loob ng bansa, personal na sinampahan ni Senador Panfilo Lacson ng kasong economic sabotage sa Office of the Ombudsman si dating Bureau of Customs (BOC) Chief Nicanor Faeldon.

Ang pagsasampa ng naturang kaso ay bunsod na rin ng mahigit P34 milyon na halaga ng bigas na una nang nasabat sa pantalan ng Cagayan De Oro City ngayong tayon dahil sa kakulangan ng import permits pero mahimalang naipalabas sa ilalim ng pamumuno ni Faeldon sa BOC.

Related: First of many cases: Lacson hales Faeldon and company before Ombudsman over rice smuggling

Pasok sa kasong economic sabotage ang mga ganitong uri ng transaksiyon na nagkakahalaga ng P10 milyon pataas.

Kabilang sa mga batas na nilabag ni Faeldon sa naturang pangyayari ay ang Republic Act 10845 (agricultural smuggling) at Republic Act 3019 (graft and corruption), at grave misconduct, base sa reklamong isinumite ni Lacson sa Ombudsman, Setyembre 28, 2017.

Bukod kay Faeldon, isinama din ni Lacson sa reklamo sina National Food Authority (NFA) Administrator Jason Aquino; Tomas Alcid, dating district collector sa Cagayan de Oro port; Atty. Geniefelle Lagmay, Customs liaison officer to NFA of the Office of the BOC Commissioner; at sina
Filomena Lim, Lucio Roger Lim Jr., Rowena Lim, Joselito Lopez, Josephine Rizalde, at Ambrosio Ursal Jr, pawang opisyal at director ng Cebu Lite Trading INC (CLTI), kumpanyang nagparating ng bigas.

Sa kanyang reklamo, ipinunto ni Lacson na sangkot ang mga respondents sa large-scale agricultural smuggling as economic sabotage, kasong walang piyansa at may katapat na habambuhay na pagkabilanggo.

“Despite respondents’ knowledge of the lack of any import permit for the two subject rice shipments by CLTI, they nonetheless allowed their entry at the Port of Cagayan de Oro, and caused the unlawful release of these rice shipments from the BOC,” paliwanag pa ni Lacson.

“We are compiling evidence to file more cases. We have painstakingly collected documents from the Bureau of Customs, along with sworn affidavits,” pahabol pa ng mambabatas.

*****