📰 Editoryal: Pilipino Star Ngayon: Libreng tuition sa state colleges

Mula sa Pilipino Star Ngayon: Maganda ang panukala ni Lacson na kunin sa pork ang pondo. Kaysa naman kurakutin lang ang pork ng mga mambabatas, sa mga state colleges and universities ito gamitin. Gawin na ito para naman makahinga nang maluwag ang mga magulang na kandakuba na sa pagtatrabaho. 

EDITORYAL – Libreng tuition sa state colleges

 

SA pagkakalagda ni Pres. Rodrigo Duterte sa Re­public Act 10931 o ang Universal Access to Quality Tertiary Education Act, maraming mahihirap na estudyante ang makakapagpatuloy sa pag-aaral sa kolehiyo at magkakaroon nang magandang kinabukasan. Hindi na mangangamba ang mga estudyante na maaari silang tumigil sa pag-aaral dahil walang pang-tuition. Ngayong libre na ang tuition sa state colleges at universities, mga walang pangarap na lamang sa buhay ang pupulutin sa kangkungan. Dahil libre ang tuition, ang pang-araw-araw na allo­wance na lamang puproblemahin ng estudyante.

Ang batas ay sa susunod na taon pa magkaka­bisa. Ayon kay Budget secretary Benjamin Diokno, nagkaroon nang pagtitimbang ang Presidente bago nalagdaan ang batas. Nagkaroon ng kunsultasyon sapagkat hindi pa malaman kung saan kukunin ang pondo para sa libreng tuition sa kolehiyo. Hanggang sa magpasya ang Presidente na maghahanap siya ng pondo para rito at saka nilagdaan ang batas. Tinatayang may 112 state universities and colleges sa buong bansa.

Sabi ni Sen. Panfilo Lacson, kunin sa pork barrel ng mambabatas ang pondo para sa libreng tuition fees. Kayang-kaya umano itong pondohan mula sa pork. Si Lacson ay hindi kailanman ginamit ang kanyang pork barrel.

Maganda ang panukala ni Lacson na kunin sa pork ang pondo. Kaysa naman kurakutin lang ang pork ng mga mambabatas, sa mga state colleges and universities ito gamitin. Gawin na ito para naman makahinga nang maluwag ang mga magulang na kandakuba na sa pagtatrabaho.

Huwag naman sanang kung sinu-sino na lamang ang makinabang ng free tuition. Baka may mga kaya o yung mayayamang estudyante ang makinabang ng free tuition. Piliin o salaing mabuti ang mga estudyanteng mag-aaplay. Dapat wala silang ikakaya sa buhay.

Noon pa, marami nang napupuna sa sistema ng pagpapaaral sa bansa. Sa halip na ang mga walang ikakaya ang nasa state colleges, parang mayayamang estudyante na ilan-ilan ang kotse ang nakikitang nag-aaral. Dapat matuldukan ang ganitong sistema.

*****