Ping: Sobra-sobrang alokasyon dahil sa ‘pagkagalante,’ isauli

FY 2019 Budget Plenary 05 December 2018-24

Burahin o isauli kapag sobra-sobra na.

Ito ang mensaheng ipinaabot ni Senador Panfilo Lacson sa mga kongresista ng mga distritong napaglaanan ng tinatayang P4.3 bilyong halaga ng farm-to-market roads mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH) sa susunod na taon.

“Since Majority Leader Andaya claims that the huge earmarks for his and (Speaker Gloria) Arroyo’s districts are a case of ‘misplaced gesture of generosity,’ maybe they can display a ‘genuine gesture of good faith’ by deleting or reducing those humongous allocations,” pahayag ni Lacson sa kanyang Twitter account.

Related: Lacson: Declining ‘Pork’ is the Answer to ‘Misplaced Generosity’

Sa naunang pagsisiwalat ni Lacson sa budget deliberations sa Senado, binanggit nitong P2.4 bilyon ang nailaan sa Pampanga at P1.9 bilyon naman ang para sa Camarines Sur na ipinaloob sa hinihinging badyet ng DPWH para sa susunod na taon sa ipinasang bersyon sa Kamara.

Una nang ikinatuwiran ni Andaya na ang pagkakaroon ng malalaking alokasyon sa kanyang distrito at sa distrito ni Gng. Arroyo ay bunsod ng pagbigay ng alokasyon sa mga DPWH directors na nanghihingi ng pondo para sa road at flood control projects.

Sinabi rin ni Andaya na nagkaroon ng “misplaced generosity” ang Committee on Appropriations ng Kamara, kung kaya’t pinagbigyan ang hiningi ng mga lokal na opisyal ng DPWH kahit na pinagbilinan ito na huwag maglagay ng insertion na hindi pinapaalam sa Senado.

“Sila ang mga leaders ng House of Representatives. Kung hindi sinunod ang bilin nila, isauli nila,” banggit pa ni Lacson sa panayam sa kanya ng DZBB.

Wala rin umanong kapangyarihan sa ilalim ng umiiral na sistema ang mga district engineers para mangalap ng pondong aabot sa bilyong pisong proyekto sa mga nasasakupan nila dahil nasa hanggang P100 milyon lang ang limitasyon nila.

Sa panig naman ng mga regional directors, ang hiling na pondo ay kailangan umanong iakyat sa tanggapan ng kalihim ng DPWH para ito na ang gumawa ng karampatang aksyon.

Hindi rin direktang masagot ni DPWH Secretary Mark Villar ang tanong ni Lacson tungkol sa naturang usapin dahil hindi umano niya alam ang tungkol sa mga ito, sa pagdalo sa pagdinig ng Senado sa badyet ng DPWH.

Ang mga nabanggit na halaga ay bukod pa sa P60 milyon na umano’y inilaan para sa susunod na taon sa bawa’t kinatawan ng distrito at mga party-list groups.

*****