Mula kay Partido Reporma Spokesperson Ashley Acedillo: May kaduda-dudang pangyayari kung ang campaign team at tagasuporta ay nakatanggap ng SMS (mobile text) na diumano’y bahagi ng survey ng mga tatakbo sa pagka-Pangulo sa 2022 – at tila wala sa listahan ang kandidato nila.
Bagama’t nauna siyang nag-anunsyo ng kanyang kandidatura sa pagka-Pangulo, hindi kasama sa naturang “automated survey” si Senador Panfilo Lacson. Ayon sa tagapagsalita ng Partido Reporma na si Ashley Acedillo, tila isang paraan ng mind-conditioning ito para linlangin ang tao na hindi tatakbo si Lacson. Sa survey na ito, kailangang pumili ang respondents sa pitong pangalan ng kandidato nguni’t wala sa pagpipilian si Lacson.
“Kapag ang pinili ng respondent ay si Lacson, makakatanggap siya ng error message na nagsasabing invalid ang kanyang sagot,” ani Acedillo. “Hindi man natin alam kung sino ang nag-commission ng survey na ito, may epekto ito sa mga respondents na maaaring isiping hindi tatakbo si Senador Lacson,” dagdag pa ni Acedillo.
“Pamilyar ako sa iba’t ibang uri ng survey methodologies, mapa face-to-face man o online/automated kung saan may karapatan ang nag-commission nito na piliin ang uri ng mga tanong na kanyang ilalagay sa survey. Hindi natin maiwasang isiping may malisya ang ‘survey’ na ito dahil halatang halata ang pag-alis sa pangalan ni Lacson sa listahan ng pagpipiliang kandidato.”
Noong ika-8 ng Setyembre, pormal na inanunsyo ni Lacson at ng kanyang running mate na si Senate President Vicente “Tito” C. Sotto III ang kanilang pagtakbo sa pagka-Presidente at pagka-Bise Presidente sa darating na halalan. Sila ang unang tandem na gumawa nito.
Kamakailan ay ibinunyag ni Acedillo ang pagkalat ng fake news sa social media kung saan sinasabi na umurong o may planong umurong sa laban sa pagka-Pangulo si Lacson, na aniya ay nagpapakita ng pagka-desperado ang ibang kampo para gawin ito.
“Kung ang layunin ng mga nag-commission ng survey na ito ay pigilan ang pagsuporta ng taumbayan sa kandidatura ni Ping Lacson, sarili lang din nila ang niloloko nila dahil maling datos ang matatanggap nila sa mismong survey na kanilang kinomisyon. So go ahead, knock yourselves out,” sabi ni Acedillo.