Kasama ni Lacson ang kanyang running mate na si Senate President Vicente C. Sotto III na naghain naman ng kandidatura sa pagka-Bise Presidente.
Ayon kay Lacson – na nanilbihan bilang sundalo, pinuno ng Philippine National Police, Presidential Assistant for Rehabilitation and Recovery at senador – ang kanyang administrasyon sakaling palarin sa Mayo 2022 ay magiging ehemplo ng disiplinadong burukrasya at tamang paggamit ng pambansang badyet na tiyak na pakikinabangan ng lahat ng mga Filipino, kabilang na ang mga nasa malalayong lalawigan.
“Marapat lamang na mauna ang kapakanan ng higit na nakararaming Pilipino,” sabi ni Lacson.
Dagdag pa ng senador, panahon na para ibalik sa ating mga kababayan ang kanilang dignidad at respeto sa sarili, ngunit dapat pangunahan ito ng mga mismong mamumuno sa bansa.
“Kapag ang namumuno ay matino at nirerespeto, panalo ang pangkaraniwang Pilipino,” diin ni Lacson.
Para naman kay Sotto, ang pagtakbo nila ni Lacson sa darating na eleksyon ay isang pag-aalay ng kanilang serbisyo sa mamamayan sa pamamagitan ng epektibo at tapat na pamumuno sa oras na mahalal sila sa dalawang pinakamataas na posisyon sa bansa.
“We know the ills, we know the solution. Balance the budget, budget reform, bring the money to the people and enhance the fight against illegal drugs by more emphasis on demand reduction strategy. Victory can only be achieved through God’s grace. We choose to trust Him every step of the way,” ani Sotto.
*****