“Pag issue lamang kami kasi ang pinaglalaban namin ang experience, track record at ginawa namin, both executive and legislative work,” dagdag nito.
Si Lacson na tumatakbo sa pagka-Pangulo sa ilalim ng Partido Reporma ay may karanasan ng tatlong dekada sa aspeto ng law enforcement, kabilang na ang kanyang pamumuno sa Philippine National Police mula 1999 hanggang 2001 bago maging senador. Naglingkod din siya bilang Presidential Assistant on Rehabilitation and Recovery (PARR).
Sa kabilang banda, si Sotto naman na tumatakbo sa pagka-Bise Presidente sa ilalim ng Nationalist People’s Coalition, ay nanungkulan din noon bilang bise-alkalde ng Quezon City at pinamunuan ang Dangerous Drugs Board, bukod sa pagiging senador.
Si Lacson ang unang kandidato sa pagka-Presidente na lalabas sa presidential forum na inorganisa ng Financial Executives Institute of the Philippines, Federation of Filipino Chinese Chambers of Commerce and Industry, Cignal TV at The Manila Times. Gaganapin ito ngayong Sabado ng gabi.
Maliban sa naturang forum, sinabi ni Lacson na handa sila ni Sotto na sumali sa iba pang forums para ipresenta ang kanilang mga solusyon sa samu’t saring problema na kinakaharap ng bansa.
“Bukod sa debate may ganyang forum ino-organize, willing kami maglahad ng road map at platform. Mabuti yan para maunawaan ng iba’t ibang sector ang aming planong gawin,” saad ni Lacson.
*****