Ping sa Caviteños: Hindi Ko Kayo Ipapahiya!

IMUS, Cavite – Nangako si Senador Ping Lacson sa harap ng mga kapwa Caviteño nitong Biyernes na hindi sila mapapahiya sa kanyang administrasyon sakaling palarin na mahalal bilang Pangulo sa Mayo 2022.

Muling ibinahagi ni Lacson ang kanyang plataporma na palakasin ang lokal na pamahalaan alinsunod sa Mandanas ruling na magbibigay ng mas malaking pondo sa LGUs simula 2022. Si Lacson ay tumatakbo sa ilalim ng Partido Reporma.

“Ako, taga-rito. Narito ang aking mga kamaganak, narito ang aking mga kababata, narito ang aking mga kaibigan, narito ang aking mga kaklase. Ito ang masisigurado ko sa inyo: Kung pagkakaloob ng Diyos na kami ni Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III ay mapagbigyan para maglingkod sa susunod na anim na taon, isa lang ang aking sasabihin: Hinding hindi ko kayo ipapahiya, di ko papahiya ang lungsod ng Imus, di ko papahiya ang lalawigan ng Cavite,” ani Lacson.

Related: Lacson to Fellow Caviteños: Hindi Ko Kayo Ipapahiya!

“Katunayan, ginagawa ko na ang marangal, matapat at walang pag-iimbot na pagkilingkod sa ating Inang Bayan,” dagdag pa nito.

Aniya, malapit sa kanyang puso ang Cavite dahil dito siya ipinanganak, pinalaki at pinag-aral ng kanyang mga magulang.

Matagal nang isinusulong ni Lacson ang pagpapalakas sa kapasidad ng LGUs na kasama sa kanyang panukala na Budget Reform Advocacy for Village Empowerment (BRAVE). Binisita niya ang Cavite kasama ang senatorial bet ng Reporma na si Paolo Capino at “independent” candidate na si Raffy Tulfo.

“Napagusapan namin ni Senate President Sotto, pangunahin namin sa platform na ikalat ang budget sa malalayong lugar para pakinabangan ng ating kababayan,” sabi ni Lacson.

Matapos ang kanyang talumpati, tinanggap ni Lacson mula sa mga lokal na opisyal ng Imus na pinamumunuan ni Mayor Emmanuel Maliksi ang isang manifesto ng pag-suporta sa kandidatura niya sa pagka-Pangulo sa 2022.

*****