Kalusugan, ekonomiya at pagkakaroon ng pananagutan sa taumbayan ang magiging prayoridad ni Senador Ping Lacson sakaling siya ay mahalal bilang Pangulo sa 2022.
Para kay Lacson, bagama’t importante na masiguro ang pag-ahon ng bansa mula sa pandemya, mahalaga rin na mapanagot ang mga tiwaling opisyal sa gobyerno na nagnanakaw sa taumbayan.
“Magkasama – walang tradeoff between health and economy. Hindi mo ma-solve ang problem ng ekonomiya kung hindi mo tutugunan ang pandemya,” ani Lacson sa kanyang panayam sa programa ng Teleradyo na “Ikaw ang On the Spot: The Presidential Candidate’s Interview” nitong Miyerkules.
Nauna nang sinabi ni Lacson na ang mga isyu na bunsod ng pandemya ay kabilang sa malalaking problema na kakaharapin ng susunod na lider ng bansa. Kasalukuyang tumatakbo si Lacson sa pagka-Pangulo sa ilalim ng Partido Reporma.
Muli ring iginiit ni Lacson na hindi palalampasin ng kanyang administrasyon ang mga nagnakaw sa kaban ng bayan, kabilang na rito ang mga tiwaling opisyal ng mga nakaraang administrasyon.
“Hindi pwedeng patawarin ang lahat especially sa pag-abuso. Kailangan may accountability past, present and future,” diin ng presidential aspirant.
“Maraming dapat iwasto pero hindi para maghanap ng kamalian. Kung napakalinaw ng ginawang pagnanakaw, ito i-emphasize ko, ang pagnanakaw sa kaban ng bayan walang kapatawaran yan,” dagdag ni Lacson.