Isang solusyon para masugpo ang ilegal na droga sa bansa ay ang pagpapalakas sa ating foreign liaisons.
Para kay Senador Ping Lacson, ito ang formula na kanyang ginamit noon kung saan nakipag-ugnayan sya sa ibang bansa para mapigilan ang pagpasok ng ilegal na droga sa bansa.
“Lahat na bansa kinakausap namin. Part yan ng prevention, market constriction effort,” ani Lacson sa kanyang panayam sa TeleRadyo.
Aniya, nang kanyang pinamunuan ang Presidential Anti-Organized Crime Task Force (PAOCTF), nagtalaga siya ng isang unit na naka sentro sa pakikipag-usap sa foreign liaisons at pagpapalitan ng impormasyon.
Pagbabahagi ni Lacson, ang liaison group ng PAOCTF ay nakikipag-ugnayan sa anti-drug authorities ng mga kaalyado tulad ng Estados Unidos, Hong Kong, at Australia.
Ani Lacson, makatutulong ang ganitong paraan lalo na’t naipupuslit ang ilegal na droga sa bansa sa pamamagitan ng technical smuggling.
Muli ring binigyang diin ni Lacson ang pangangailangan na masiguro na ang mga proseso sa Bureau of Customs ay gawing modernisado, computerized at automated para maiwasan ang human intervention at korapsyon sa sistema.