“Unused,” “misused,” at “abused.” Para kay Senador Ping Lacson, ang tatlong gawain na ito ang naglalagay sa panganib sa pambansang badyet at patuloy na ninanakawan ang taumbayan ng nararapat na serbisyo ng gobyerno sa kalusugan at edukasyon. Nangako si Lacson na matutuldukan na ito sa ilalim ng kanyang panunungkulan sakaling mahalal sa pagka-Pangulo sa Mayo 2022.
Ayon kay Lacson, ang hindi maayos na implementasyon ng items sa badyet, dahil sa kakulangan ng kakayahan man o korapsyon, ang dahilan kung kaya bilyun bilyong pondo ang nasasayang na nagamit sana sa pangkabuhayan at social services.
Naka-angkla ang pangakong ito sa kanyang krusada na “Uubusin ang Magnanakaw” at “Aayusin ang Gobyerno”.
Related: 3 Evils Hounding Budget to End Under Lacson Presidency
“Ito ang dapat i-correct. Kung maiayos ang ating kaban ng bayan, ang laking magagawa sana para sa health needs and education ” ani Lacson, na tumatakbo sa pagka-Pangulo sa ilalim ng Partido Reporma sa kanyang panayam sa DWIZ.
“Yan ang talagang sisiguraduhin namin ni SP. Ako 18 taon pinagaralan ang budget, alam namin ano ang gagawin diyan,” dagdag ni Lacson patungkol sa kanyang Vice Presidential candidate na si Senate President Vicente “Tito” Sotto, na tumatakbo naman sa ilalim ng Nationalist People’s Coalition.
Ayon kay Lacson, tinatayang P328 bilyon ang hindi nagamit sa badyet mula 2011 hanggang 2020. Nakilala ang presidential aspirant sa Senado bilang matiyagang tagabantay ng badyet sa loob ng kanyang tatlong termino o labingwalong taon bilang mambabatas.
Paliwanag ni Lacson, ang budget misuse din ang isa sa mga kasamaang bumabalot sa badyet bunsod ng kakulangan sa pagpaplano at konsultasyon ng mga proyekto.
Kabilang dito ang insertions na ginagawa ng ibang mambabatas para sa kanilang “pet” projects nang walang ginagawang konsultasyon kasama ang implementing agencies. Dahil dito, walang kaalam alam ang mga ahensya kung paano ipapatupad ang mga nasabing proyekto.
Ang pinakamalala sa lahat ang pag-aabuso sa badyet tulad ng paglipat ng pondo ng Department of Health papunta sa Department of Budget and Management Procurement Service para pumasok sa kahina-hinalang mga kontrata kasama ang mga kaduda-dudang supplier tulad ng Pharmally Corp.
“Ang pinakamalala sa Pharmally, inabuso ang paggamit, binulsa,” giit ni Lacson.
“Nakagawian natin ang national budget di sineseryoso” dagdag ng senador.
Para kay Lacson, may sapat syang kakayahan para matuldukan na ang mga masasamang gawain na ito sa badyet bunsod na rin ng kanyang karanasan nang kanyang pamunuan ang Philippine National Police mula 1999 hanggang 2001. Sa ilalim ng kanyang pamumuno, nabuwag nya ang kultura ng “kotong” at sa kanyang karera naman bilang mambabatas ay marami na rin siyang nabulgar ng kaso ng korapsyon.
“Sa tinagal-tagal ko sa serbisyo, sa militar, sa pulis, sa lehislatura, ni minsan di ako tumanggap ng suhol. Importante ang track record,” sabi ni Lacson.
*****