Ping: Mga Piling Tao ni PNoy Makakatulong para Makaahon ang Bansa sa Krisis

Dahil na rin sa maayos na pagganap sa tungkulin at responsibilidad bilang mga dating miyembro ng gabinete ng namayapang Pangulong Benigno Simeon Aquino III, nakakasiguro si Partido Reporma standard-bearer Sen. Panfilo “Ping” Lacson na makakatulong ang ilan sa kanila para maibangon ang lugmok na kalagayan ng bansa.

Sa pamamagitan ng kanyang Twitter account, tinukoy ni Lacson ang mga partikular na personalidad na aniya ay siguradong mayroong kongkretong maiaambag para manumbalik ang sigla ng Pilipinas.

“The late President Aquino had his share of good, capable cabinet members and economic managers from where a pool may be created to get the country back on its feet – Rene Almendras, Babes Singson, Kim Henares, Johnny Santos, Sonny Coloma, Arsi Balisacan – to name some of them,” pagsisiwalat ni Lacson.

Related: Lacson Names Cabinet Members, Economic Managers Who Can Help PH Recovery

Ang mga nabanggit na opisyal ay nakatrabaho ni Lacson sa gobyerno nang siya ay maitalaga bilang Presidential Adviser for Rehabilitation and Recovery mula noong huling bahagi ng 2013 hanggang unang yugto ng 2015.

Sa ilalim ng Aquino administration, si Almendras ay naglingkod bilang Cabinet at Energy Secretary habang si Rogelio “Babes” Singson ay naging kalihim ng Department of Public Works and Highways, (DPWH) at si Juan Santos ay namuno sa Social Security System (SSS).

Si Kim Henares ay naging commissioner ng Bureau of Internal Revenue (BIR) at ngayon ay bahagi na ng grupo ni Lacson, si Herminio “Sonny” Coloma naman ang namuno sa Presidential Communications Operations Office (PCOO), at si Arsenio Balisacan ay naging hepe ng National Economic and Development Authority (NEDA).

Una sa plataporma ni Lacson bilang standard-bearer ng Partido Reporma sa eleksyon sa darating na Mayo ang pagpapatupad ng maayos at malinis na pamumuno, masinop at tamang pagkolekta ng buwis, at pagsupil sa katiwalian gamit na batayan ang personal na disiplina.

*****