Malawakang Internal Cleansing sa Gobyerno, Planong Gawin ni Lacson sa Kanyang Unang 100 Araw

Mas maayos na serbisyo publiko mula sa gobyerno – sa pamamagitan ng malawakang internal cleansing sa hanay nito – ang isa sa mga prayoridad ni Senador Ping Lacson sa kanyang unang 100 araw sa pamumuno sakaling mahalal na Pangulo sa Mayo 2022.

Ito ang siniguro ni Lacson na tumatayong standard-bearer ng Partido Reporma. Aniya, ang naturang paglilinis sa hanay ng gobyerno ay dadaan sa kamay ng batas.

“Ang massive internal cleansing, hindi ito indiscriminate. Base ito sa ebidensya na kung saan may mga kawani ng gobyerno na sa halip na tumulong, nakakaperwisyo pa sa pamamagitan ng katiwalian,” ani Lacson sa kanyang panayam sa DZRH nitong Sabado.

Related: Lacson: Massive Govt Internal Cleansing to Enhance, Not Disrupt, Public Service

“This is without sacrificing public service. Yan ang objective, ma-improve natin ang serbisyo publiko sa pamamagitan ng internal cleansing para madama nila ang serbisyo ng gobyerno,” dagdag nito.

Nilinaw naman ni Lacson na hindi magiging self-imposed deadline ang kanyang unang 100 araw sa pamamahala bagkus ito ang magiging simula sa paglilinis ng gobyerno at pag-alis sa mga pasaway at korap na opisyal at empleyado ng gobyerno.

Inihalintulad niya ito sa kanyang ginawa sa Philippine National Police nang siya ay naging hepe nito noong November 1999.

“Kailangan evidence-based. Kung maaari, caught in flagrante delicto,” saad ni Lacson.

Paliwanag pa ni Lacson, hindi niya ikakabahala kung sakaling malagas ang hanay ng gobyerno basta ang matitira rito ay ang mga masisipag at tapat na empleyado. “I will welcome honest and competent individuals who wish to join the government.”

Dagdag pa ng presidential aspirant, sa kanyang ginawang internal cleansing sa PNP noon, maraming kotong cops ang natanggal sa trabaho at tuluyang nalinis ang hanay ng kapulisan.

Sinabi rin ni Lacson na lalagda siya sa isang waiver na isinusuko ang kanyang karapatan sa ilalim ng Bank Secrecy Law sa kanyang unang araw sa pamamahala para magpadala ng isang malinaw na halimbawa sa burukrasya na katapatan sa trabaho ang mananaig at hindi ang korapsyon.

“Kung magle-lead ka, kailangan meron kang moral ascendancy,” giit ni Lacson.

*****