Bago ko simulang ibahagi sa inyo ang aming plataporma, ang aming programa ni Senate President Tito Sotto at ang aming mga kasamahan — Monsour del Rosario, Dra. Padilla — gusto ko munang ikuwento sa inyo kung ano yung nasa likod ng nakita niyong video.
Taong 2018, nasa kalagitnaan kami ng tawagin nating plenary debates sa Senado, pinagdedebatehan namin yung national budget para sa 2019. Nakita ko yung appropriations para doon sa right of way. Merong hinihingi ang DPWH na P22 billion para sa road right-of-way, pambayad doon sa mga katulad nina Aling Norma Guillo na taga-Bauan, na dapat bayaran kapag tinamaan ng kalsada ang kanilang property, ang kanilang bahay. Hindi nila nagamit sa taong 2018, P11 billion, so idagdag sa P22 billion para sa 2019 na hinihingi nila; ang ibig sabihin, P33 billion.
Pinapasyalan ko po — hindi lamang sa Batangas maski sa ibang lugar — yung mga may isyu ng road right-of-way, yung mga kawawang kababayan natin na hindi nababayaran ilang taon na. Isa po si Aling Norma at yung kanyang asawa.
Noong sila’y kinausap ng aking mga staff, ganoon nga po ang nangyari, turo dito, turo doon. Kawawa. Hindi nila alam kung saan sila pupunta. Ang ginawa ko po noon, tinanong ko ang DPWH. Humihingi kayo ng P22 billion, meron pa kayong naiwanang P11 billion sa taong kasalukuyan 2018, bakit namin kayo bibigyan ng P22 billion para sa 2019, samantalang yung mga pobreng kababayan — isang pamilya lang po ito na taga-Batangas — mga dalawampung pamilya po yan. Sa tantiya namin siguro nasa mga 15 to 20 families. Pareho rin po ang kanilang kasaysayan, ang kanilang istorya.
Sa tinagal ng panahon, tinamaan na yung kanilang bahay, walang matirhan, walang bayad yung kanilang lupain. I’m sure may mga kababayan din tayo na pareho rin ang sinapit. So, ang ginawa po namin pinagpilitan ko, sabi ko, “Meron kaming budget deliberation sa plenaryo sa Senado, mangyari pong magsadya kayo sa amin sa Senado para makita mismo ng DPWH ang inyong kalagayan.” Hindi na namin sila tinawag kasi plenary debate na, hindi na committee hearing. At pagkatapos ng aking pag-interpellate sa budget ng DPWH, niyaya ko kasi kasama lahat doon ang regional directors ng DPWH. Niyaya ko pa sa aking opisina, tinawag ko rin sila, sina Aling Norma, at iba pa.
Yung iba taga-Metro Manila. At doon sinabi ko, “Bakit ayaw niyong bayaran ang mga taong ito, kawawa? Nawala na yung bahay nila, nawala yung lupa nila, walang kabayaran.” Agad-agad, alam niyo hindi lumipas ang isang linggo, binayaran po sina Aling Norma. Kaya ganyan po ang kanilang pasasalamat, sampu ng kanyang mga kasamahan. Hindi lamang po taga-Batangas.
Meron nga pong isang taga-Metro Manila, sampung taon na tinamaan ng circumferential road ang kanyang property. Malaking halaga po, P20 million ang halaga. Nagmamakaawa, lakad nang lakad, lagay dito, lagay doon, hindi po nababayaran. Ora mismo noon pong kinausap namin ang DPWH, hindi po nagtagal nabayaran yung kanyang P20 million.
Hindi na po ako humarap doon noong sila’y nagbayaran. Ito po yung kwento ng aking staff. Ang sabi ng taga-Metro Manila kasi napakalaking halaga na parang given up for lost, hindi nila inaasahan and all of a sudden parang tumama sa lotto na nakasingil ng P20 million. Nag-offer po sila ng isang malaking halaga rin sa aming staff, sa pasasalamat. Alam niyo sagot sa kanila ng aking staff? Hindi po pwede sa amin yan, magagalit po si Senator Lacson kapag tinanggap namin yan.
Alam niyo po, ano ba ang gusto kong sabihin tungkol diyan? Napag-aralan po namin ito sa Philippine Military Academy, ang tawag po namin diyan “leadership by example.” Sa tinagal ng panahon na kasama ko yung aking mga staff, alam na nila kung ano yung patakaran ko sa opisina. Kapag tayo nakagawa ng tulong sa ating kapwa, serbisyo publiko, at nag-offer ng sabihin na nating gantimpala, pasasalamat, hindi yan ang dapat babalik sa atin. Alam niyo yung matamis at mataimtim na pasasalamat, tama na po sa amin yon.
Noong ako po’y hepe ng Philippine National Police and even before that, sa aking law enforcement service sa Philippine National Police at sa Philippine Constabulary, hindi ko na po mabilang yung aming na-rescue na mga kidnap-for-ransom victims. Napakarami, mga mayayaman. At every time, pag aming nailigtas lalo na pag hindi nakapagbayad ng ransom money, bumabalik po sa aming opisina, “General, palagay ko naman po makakatulong ito sa inyong mga tauhan.” Minsan magdadala P2 milyon, P3 milyon, P500,000. Depende po kung anong taon nangyari yung pag-rescue. Ang lagi po naming sinasagot, “We only did our duty.”
Yan po ang essence ng serbisyo publiko. Kami po ni Senate President Sotto marami kaming experiences, ano, sa aming pagiging senador. Na kapag may nakikiusap sa amin para maipasa ang isang panukalang batas, lalo na yung mga prangkisa, minsan po yan mayroong dinadala. Ang ginagawa po naming dalawa ni Senate President, hindi namin tinatanggap, sabi namin, “Kung ang kapalit ng inyong ino-offer o binibigay sa amin ay ang aming serbisyo publiko, hindi po pupwede.” Ang tawag naman po doon conflict of interest.
Para lang maipakilala namin sa inyo kung anong uri ng paglilingkod bayan ang aming pinagdaanan ni Senate President. Between us, 83 years of public service; sa legislature, 42 years pag pinagsama, at ni minsan po — taas noo, pwede ko kayong tingnan diretso sa mata, mata sa mata — ni minsan po hindi kami tumanggap ng suhol kapalit ng serbisyo publiko.
Kanina habang naghihintay kami roon sa holding room, napag-alaman namin yung isang programa nina Mayor Beverley at saka ni Congressman Marvey. Kami’y namangha at ang kausap nga namin ngayon, kayo yung mismong benepisyaryo nung EBD Health Card program. Ang tanong namin kaagad sa sarili namin, kung kaya palang gawin sa Batangas City, bakit hindi natin kayang gawin sa buong Pillipinas? P30,000 covering 36,000 of you, hindi ba napakaganda?
Ngayon, nabanggit ni Senate President Sotto, ang nawawala sa korapsyon P700 billion kada taon sa national budget. Kami po, ngayon ilalahad ko sa inyo ang aming isang pangunahing programa. Alam niyo ba taon-taon, ito nakuha ko rin sa pagbabalangkas, sa pag-i-scrutinize ng national budget. Alam niyo po ba kung magkano — bukod doon sa P700 billion na mali ang paggamit, abuso ang paggamit — alam niyo ba ang hindi nagagamit, kung magkano? Yung tinatawag na unused appropriations o unutilized. Nasa budget pero dahil mali ang plano o hindi maimplementa kasi nga mali ang plano, hindi nagagamit. Alam niyo ba kung magkano? For the past 10 years, 2010 hanggang 2020, sampung taon kinuha namin yung average—P328 billion.
Kung hindi rin lang nagagamit, bakit hindi natin palawakin o bigyan ng mas malawak na papel ang mga local government units na tulad ng Batangas City, tulad ng Batangas, Cavite, maski anong lalawigan down to the barangays — kaya. Papaano? Alam niyo ang national budget laging sa taas nanggagaling. Ang amin pong panukala, kasama sa aming programa, gawin nating “bottom-up.” Mula Barangay Development Council na nagbabalangkas ng Barangay Development Plan, aakyat ito sa Municipal or City Development Council at ito’y aakyat din sa Provincial Development Council, all the way up hanggang sa Regional Development Council.
Alam niyo ba tinanong ko ito sa DBM, ilang bahagdan, ilang porsyento lamang ng national budget ang nanggaling sa mga local development councils? Mamamangha kayo, magugulat kayo. Alam niyo ba kung ilang porsyento lang? 20 percent. Bakit? Ang dapat babalikan ng ating national budget kasi after all tayo ang nagbabayad ng buwis sa ating national government. Bumili ka nga lang sa grocery o kaya kumuha ka ng maggagawa ng bahay mo, mag-re-repair, di ba may tama kaagad tayong 12 percent VAT? Buwis. E bakit hindi dapat bumalik sa inyo, sa atin, ang binabayad nating buwis? Bagkus, uutang pa yung national government kasi nga kinakapos sa panggastos. E mayroon ngang hindi nagagamit. Ang aming panukala, ang tawag namin dito BRAVE.
Katulad ng mga Batangueno — brave. Kaya kanina nagtanong si Monsour del Rosario kung mayroon daw Ilonggo naligaw sa Batangas, parang walang nagtaas ng kamay. Ah, mayroon din. Ang sabi kasi sa akin ni Mayor Beverley parang hindi magkakatugma yung tono, yung punto. Malayo yung punto ng Ilonggo sa Batangueno. At saka ang mga Batangueno, mga barako, mga macho kaya baka hindi rin… Kasi ang mga Ilonggo naman sobrang malambing.
So balik ako sa aming programa. Ilan ba ang lalawigan sa buong Pilipinas? Tandaan natin yung numero, nabanggit kanina ni Senate President, numero ang tandaan natin. P328 billion taon-taon ang hindi nagagamit. Ilan ang ating lalawigan sa buong Pilipinas? 81. Kayang bigyan natin maski tig-P500 million hanggang P1 billion bawat lalawigan para sa development, para sa livelihood para nang sa ganoon umangat yung buhay ng mga kababayan natin, lalo na sa malalayong lugar tulad ng Mindanao, Visayas — lahat. Kung 81 provinces, sabihin na natin bigyan natin ng tig P1 billion, yung i-maximize natin, P81 billion lang, pasok sa P328 billion. Ilan po ang siyudad sa buong Pilipinas? 45 or 46, ano. Ang huling bilang namin nasa 46, nasama yung GenTri yung huling-huli.
Kung bigyan natin ang bawat siyudad, sabihin na nating tig-P200 milyon sa isang taon, kaya pa rin, pasok pa rin sa P328 billion. Ilan ang municipalities, ang bayan sa buong Pilipinas? 1,488. Ilan ang barangay sa buong Pilipinas? 42,046. Kung dadagdagan lang natin ng konti yung hindi nagagamit na budget kaya nating buhusan ng — hindi proyekto… Kasi nangyayari pagka mayroon kaming budget deliberation — ito alam ng ating mga konsehal, alam ng mga governors, alam ng mga mayors, alam ng mga barangay chairmen. Noong pre-pandemic na wala pang COVID, puno ang hallway ng Kongreso—alam nina Cong ito—puno ang hallway ng Senado. May kanya-kanyang bitbit na folder yung mga local government officials, namamalimos ng proyekto, nakikiusap sa mga senador. At pag naipasa na yung budget abot hanggang Malacanang, abot hanggang sa mga departamento, namamalimos ng mga proyekto para matulungan ang kanilang constituents.
Bakit kailangang mangyari yon? Hindi dapat. Kung bubuhusan natin ng budget at babayaan natin yung mga local government units na sila yung magbalangkas ng kanilang mga local development plans mula barangay, munisipyo, siyudad, probinsiya, hanggang regional, at ito yung i-a-adopt sa ating national budget at ibabalik din sa inyo yung pag-implementa. Ano magiging resulta? Made-decongest ang Metro Manila kasi kailangan sa Batangas City, sa bawat barangay, kailangan sa bawat mga munisipyo, kailangan ng trabaho. Kasi mayroong available jobs, may livelihood, mayroong imprastruktura. At kapag umasenso yung lugar, hindi lamang P30,000 ang kayang maibigay nina congressman, nina mayor kasi nga lalaki ‘yung income ng Batangas City lalo. At kayang-kaya, baka madoble o matriple pa ang maibabahagi sa ating mga health workers at sa mga pamilya ng mga hindi nakakariwasa.
Hindi lamang mga health workers, pati yung mga kababayan natin na medyo sabihin na nating hikahos o kapos sa buhay. Yan po yung isa naming programa na aming ipapatupad. Kaya pong gawin kasi kami pag nagpresenta kami ng aming plataporma pinag-aralan po namin. Hindi pupwede po tuwing eleksyon kwentuhan lang tayo, bolahan lang tayo, walang pinaghuhugutan. Kami po pag nangako sa inyo alam namin kaya naming tupdin. Ang tawag po namin doon… Kami nung kami nag-decide na tumakbo, concrete — yung plano namin ha — concrete, doable, at saka future-proof. Ibig sabihin, pangmatagalan. It can withstand the test of time.
Now, sabihin natin papaano naman yung malalayong lugar na walang kapasidad para magbalangkas ng maayos na local development plan? Doon papasok yung capacity-building. Doon mag-i-intervene ang national government para i-capacitate yung ating mga kababayan sa malalayong lugar. Dito sa Batangas City walang problema. I’m sure capacitated ang Batangas City sa pamumuno nina Mayor Beverley at saka yung konseho. Yung ibang lugar ni hindi marunong gumawa ng local development plan. Papaano ngayon sila mag-i-implementa? I-capacitate po natin. Mayroon tayong Development Academy of the Philippines, mayroon tayong Local Government Academy na siyang pwedeng mangasiwa para i-capacitate, para turuan.
Ginawa po namin yan sa Yolanda. Alam niyo ang napa-graduate namin sa Development Academy of the Philippines? Ano yon, masteral courses, community planning. Ini-scholar namin sila. Hindi po galing sa national government ang pondo. Mayroon pong USAID na binigay sa aming technical support and assistance na $10 million. Bahagi ng $10 million, sabi namin ito yung gusto kong maging legacy project sa tinatawag naming Yolanda Corridor — yung tinamaan po ng bagyong Yolanda noong 2013 — 171 cities and municipalities. Ang napa-graduate po namin doon 161 scholars. Bumalik na po sila doon [at] alam na nilang gumawa ng local development plan, alam na nilang mag-implement. Ganoon po ang gusto naming ibahagi sa buong Pilipinas.
Now, accountability. Baka sabihin niyo nilipat lang natin kasi may mga — sabihin na natin ha. Hindi naman sa minamata natin yung taga-Mindanao pero ito naman alam din naman nina congressman, ano, na minsan may mga lugar sa Mindanao parang wala nang presence ang government. Baka naman yung accountability hindi matupad. Well, doon po papasok yung isa pa naming programa — digitalization of all government processes. Hindi na pwedeng manu-mano, hindi pwedeng may human intervention, lalo na sa Bureau of Customs at Bureau of Internal Revenue. Dapat digitalized, automated lahat ng proseso.
Ako po yung may-akda at sponsor ng National ID system. Sa ngayon po, kinakalampag namin yung Philippine Statistics Authority dahil mahigit 50 million pa lamang sa mga kababayan natin na 110 million ang naka-enrol at mahigit 2 milyon lamang ang nabigyan. Sino sa inyo ang may National ID na rito na nabigyan na? Kakaunti, hindi ba? Ako, nabigay na rin sa akin. Ang sabi namin sa PSA huwag lang kami, madaliin natin, lahat ng kababayan natin ipa-enrol natin, tulungan mabigyan ng National ID nang sa ganoon hindi sila nahihirapan.
Si Pangulong Duterte hindi ba naglabas siya ng executive order? Hindi na kailangan yung government-issued ID na ipapakita pag nagtra-transact ng negosyo, ng business. Ipakita lang ninyo nag-iisang ID — National ID, yung PhilSys number na sinasabi. Hindi ba napakagaang? At sina Mayor Beverley hindi na rin mahihirapan. Madali mo nang matukoy sa pamamagitan ng National ID sino ba yung nangangailangan ng tulong at sino yung hindi naman kailangan. Napakalaking bagay po.
Ngayon, yung mga proyekto. Kasama rin po sa aming programa, pag nag-digitalize tayo lalo na mga infrastructure project, mga livelihood project, ang kailangan naman doon geotagging. Makikita ng publiko, makikita nating lahat ano yung progreso ng bawat infrastructure project, ano na ang status? Yan po dikit-dikit po yan. And, of course, ito ‘yung pangunahin—sugpuin natin ang katiwalian.
Lagi kong sinasabi takot tayong manawakan pero pag dumarating ang eleksyon, binoboto naman natin magnanakaw. Hindi ba yon ang irony? Yung takot tayo sa pangkaraniwang magnanakaw, yung magnanakaw na ordinaryo, dahil yung mga anak natin pag ginabi ng uwi nangangamba na tayo. Yung ating kamag-anak, yung ating mga asawang nagtrabaho pag medyo ginabi nag-aalala tayo at dasal na tayo nang dasal sana iligtas po, sana hindi naholdap.
Pero tandaan natin isang araw lang po tayo na magiging hari. Sa May 9 hari po tayong lahat. Nag-iisa tayo doon sa polling booth, tayo ang pipili, tayo ang mag-sha-shade ng mga pangalan. Huwag tayong magkamali nang iboboto natin sila pa yung magnanakaw sa atin. Hindi lang tayo ang pinagnanakawan. Alam niyo bang ninanakaw pag naboto natin mali? Ang ninanakaw nila yung karapatan ng mga anak natin para sa maayos na kalusugan. Tulad ng PhilHealth noong nag-imbestiga kami, P14 billion ang nasayang. Ninanakawan yung mga anak natin nang maayos na edukasyon para sa kanilang kinabukasan. At higit sa lahat, tayo lahat ninanakawan.
Kaya sa araw na yon na ang feeling natin sa sarili natin tayo ang hari ng ating sarili, tayo ang pipili ng ating magiging servant — servant ang tawag natin kasi public servant. Maging maayos po sana ang ating kaisipan. Maging mapanuri po tayo sa ating mga pipiliin. Ang piliin natin yung serbisyo publiko tulad ng binibigay sa inyo yung EBD Health Card Program. Yon talaga nakakatulong. Hindi yung pagkatapos ng eleksyon kalimutan na, puro pansarili na lang.
Yon lang po ang aking mensahe ngayong umaga. Salamat po sa inyong paghihintay at pakikinig sa amin. Maraming, maraming salamat po, Batangas City. At maraming salamat, mayor, congressman, councilors. Maraming salamat po. Vice, maraming salamat po.
*****
Share this:
- Click to share on Facebook (Opens in new window)
- Click to share on Twitter (Opens in new window)
- Click to share on Telegram (Opens in new window)
- Click to share on WhatsApp (Opens in new window)
- Click to share on LinkedIn (Opens in new window)
- Click to share on Pocket (Opens in new window)
- Click to email a link to a friend (Opens in new window)