Ping: Walang Puwang ang Korapsyon sa Pamamahagi ng Fuel Subsidies

Walang puwang dapat ang korapsyon o anumang administrative lapses sa pamamahagi ng fuel subsidy sa mga sektor na apektado ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis, ayon kay Senador Ping Lacson nitong Miyerkules.

Aniya, dapat nang matuto ang mga otoridad sa nangyari noong nakaraan kung saan hindi nakarating sa mga benepisyaryo tulad ng Public Utility Vehicle (PUV) drivers ang pondo mula sa Bayanihan fund.

“Bukod sa corruption issue, may administrative issue ng pag-distribute. Baka mamaya sabihin natin patay na ang kabayo bago dumating ang ayuda,” saad ni Lacson sa kanyang panayam sa DZRH.

Related: Lacson: No Room for Lapses, Corruption in Distribution of Increased Fuel Subsidies

Bagama’t ipinasa ng Kongreso ang Bayanihan 2 para matulungan ang sektor ng transportasyon, napag-alaman ng Commission on Audit na isang porsyento lamang ng pondo ang talagang napunta sa mga benepisyaryo nito. “Kaya nagmamalimos ang driver,” aniya.

Para sa presidential aspirant, ang pagdoble sa fuel subsidies para sa transport sector at pagbibigay ng fuel discount vouchers para sa sektor ng agrikultura ang pinakamainam na hakbang na dapat gawin.

“Due to the spiraling prices of oil in the world market, doubling the fuel subsidies and vouchers is the right thing to do as allowed under a special provision in the 2022 General Appropriations Act in order to contain inflation which is projected to hit 3.7 percent in 2022,” paliwanag ni Lacson.

Patuloy ang pagtaas ng presyo ng langis nitong mga nakaraang linggo bunsod ng lumalalang tensyon at paglusob ng Russia sa Ukraine.

Panukala ng economic development cluster ng gobyerno ang pagtataas ng fuel subsidy sa PUV drivers sa P5 bilyon mula P2.5 bilyon; at pagtaas sa P1.1 bilyong pondo para sa fuel discount vouchers para sa mga magsasaka at mangingisda mula sa halagang P500 milyon.

Sa kabilang banda, sinabi naman ni Lacson na dadalo siya kung sakaling magkaroon ng special session sa Kongreso para talakayin ang posibleng deklarasyon ng state of economic emergency.

“Mas okay sa akin yan para may flexibility ang gobyerno na kung saan talagang parusa eh,” saad ni Lacson.

Kasalukuyang tumatakbo si Lacson – na standard-bearer ng Partido Reporma – at ang kanyang ka-tandem na si Senate President Vicente “Tito” Sotto III sa ilalim ng platapormang “Aayusin ang gobyerno, aayusin ang buhay ng bawat Pilipino” at pagpapanagot sa mga tiwali sa gobyerno. (Uubusin ang magnanakaw).

*****