Manifesto of Support for Ping Lacson’s Presidential Bid by the Generals for Ping

Kami na makabayang mga Pilipino at mga retiradong heneral at opisyal ng Pambansang Kapulisan at Sandatahang Lakas ng Pilipinas ay buong lugod na tumutugon sa tawag ng Lacson-Sotto Support Group (LSSG) para suportahan ang kandidatura ni Senador Panfilo “Ping” M. Lacson bilang susunod na Pangulo ng Republika ng Pilipinas dahil para sa amin, siya ang nagpapakita ng kakayahan, katapangan at katapatan upang maging mabuting pinuno ng ating bansa.

Ano ang nakita namin kay Ping Lacson para suportahan siya?

– Sa track record bilang pulis, marami siyang nahuli at naipakulong na mga kriminal at dito siya nagpakita ng sinseridad na bigyan ng solusyon ang problema ng krimen na hindi kailangan sumigaw ng “patayin”;

– Mayroon siyang code of honor, na natutunan niyabilang kadete sa Philippine Military Academy, at kailanman ay hindi siya nasangkot sa ano mang katiwalian sa panahon niya sa Philippine National Police;

– Sa kanyang panunungkulan bilang Senador, hindi siya kailanman tumanggap ng tinatawag na “pork barrel”;

– Ipinaglaban niya ang teritoryo ng bansa lalo na patungkol sa isyu ng West Philippine Sea, kung saan siya mismo ay tumungo upang alamin ang sitwasyon doon at lalong pagtibayin ang kanyang panata na kanyang ipagtatanggol ang teritoryo at soberanya ng Pilipinas;

– Ang magandang ehemplo at epektibong liderato niya sa PNP, kung saan ang mga tiwali, nangongotong, abusado at hindi disiplinadong mga kapulisan ay napatino, napatalsik o na-engganyo niya sa tamang pagseserbisyo. Dahil dito ay muling bumalik ang tiwala ng mga mamamayan sa mga kapulisan. Ito ay matingkad na pruweba sa kakayahan niyang ayusin ang ating pamahalaan;

– Ang kanyang patuloy na pakikipagdigmaan laban sa korapsyon ng gobyerno ay siyang magbibigay daan tungo sa tamang paglalaan ng kaban ng bayan para sa kinakailangang tulong pangkabuhayan, pangkalusugan at pang-edukasyon ng sambayanang Pilipino.

Kaya sa darating na halalan sa May 9, 2022, lubos naming susuportahan si Ping Lacson at aming inaanyayahan ang mga kapwa naming makabayang Pilipino na samahan kami sa pagpapasiyang ito dahil si Ping Lacson lamang sa hanay ng mga kandidato ang sagot sa ating matagal nang inaasam na tunay na pagbabago, hindi lamang sa gobyerno, kundi sa buong bansa.

Maraming salamat at mabuhay ang minamahal nating Pilipinas!

*****