Coast Guard, Supporters Mabilis Na Tinugunan ang Panawagan ni Lacson na Tulong para sa mga Apektadong Residente sa Iloilo

Bilang tugon sa panawagan ni Senador Ping Lacson na matulungan ang mga biktima ng baha sa Iloilo at Roxas City sa Capiz, mabilis na inaksyunan ito ng Philippine Coast Guard at kaagad na nagpadala ng rubber boats at iba pang mga kagamitan para ma-rescue ang mga residente sa lugar.

Tinawagan ni Lacson si dating Coast Guard Commandant retired Vice Admiral Edmund Tan hinggil sa sitwasyon matapos makatanggap ng updates mula sa Iloilo nitong Martes ng umaga.

Mabilis naman itong tinugunan ni Tan at ipinagbigay alam sa kasalukuyang Coast Guard Commandant Admiral Artemio Abu (Philippine Military Academy Class 1992), na siya namang nag-utos sa Coast Guard na puntahan ang mga apektadong lugar.

Related: Coast Guard, Supporters Act on Lacson Call for Help for Flood-Hit Iloilo Residents

Ayon kay Commodore Ed Ybañez na tumatayong Coast Guard District Commander sa Western Visayas, patuloy ang rescue operations sa Iloilo at Capiz at nag-deploy sila ng pitong Deployable Response Group (DRG) teams mula sa distrito.

“Eto na ang action agad,” ani Lacson na kasalukuyang pinuno ng Senate Committee on National Defense and Security.

Nag-organisa rin ng relief operations ang Lacson-Sotto Support Group (LSSG) sa lugar para matulungan ang mga apektadong residente. Si retired Vice Admiral Tan ay bahagi ng BRAVE Movers for Ping Lacson (ngayo’y LSSG), isang volunteer group ng hindi bababa sa 300 retired AFP, PNP at PCG personnel na nagre-recruit at kumakampanya para sa LACSON-SOTTO tandem sa hindi kukulang sa 59 probinsya.

Base sa mga ulat na natanggap ni Lacson, na-stranded sa baha ang mga residente sa kahabaan ng highway mula Iloilo hanggang Roxas City dulot ng Tropical Cyclone Agaton.

Nitong mga nakaraang araw, nagbagsak ng malalakas na buhos ng ulan si Agaton na nagresulta sa matinding pagbaha sa ilang lugar sa Western Visayas kabilang na ang Iloilo.

*****