Kasabay ng dasal para sa isang mapayapang eleksyon sa Abra at iba pang hotspots sa bansa, kasama rin sa plano ni independent presidential candidate Sen. Ping Lacson ang matuldukan ang kultura ng karahasan sa mga naturang lugar.
Sinabi ni Lacson nitong Martes sa kanyang pagbisita sa Abra na tapusin na ang pamamayagpag ng mga warlord na kumokontrol sa mga residente at lalong nagpapahirap sa kanilang buhay.
“Of course ginawa ko noong Chief PNP ako – pay special attention not only to Abra but in areas na traditionally historically magulo, not only during election period,” ani Lacson sa kanyang panayam sa media.
Related: Lacson Bares Plan to End Bloodshed in Abra, Other Violence-Prone Provinces
Iginiit ni Lacson na sakaling palarin sila ni Senate Presidente Tito Sotto na mahalal sa Mayo, uunahin nila ang malawakang paglilinis sa hanay ng gobyerno.
Katulad ito sa isinagawang internal cleaning sa PNP noong 1999 hanggang 2001 sa ilalim ng liderato ni Lacson bilang PNP Chief. Kasama sa mga tinanggal sa serbisyo noon ang mga ICU o “inept, corrupt and undisciplined” na mga pulis.
“Ang strategy na dapat i-adopt which I already did when I was Chief PNP, massive internal cleansing ng pulis so bumalik ang trust ang respect ng public sa pulis. Ganoon din sana sa gobyerno. If we scale it up sana bumalik trust ng tao sa gobyerno. There’s no other way. If there’s no trust, how can the people cooperate with the government?” saad ng dating PNP Chief.
Ibinahagi rin ni Lacson ang kanyang dasal para sa isang mapayapang eleksyon sa Abra matapos niyang bisitahin si Bangued Bishop Leopoldo Jaucian.
“Nagkakwentuhan kami, humingi kami ng prayer na sana this time maging tahimik ang election dito,” pagbabahagi ni Lacson.
Samantala, solid naman ang naging suporta kay Lacson ng mga tumatakbo sa lokal na posisyon sa Abra na miyembro ng Partido Reporma. Kasama sa mga supporters na sumumpa laban sa karahasan ay si dating Abra Governor Eustaquio Bersamin, na tumatakbo muli sa pagka-gobernador.
Nanawagan naman si Lacson sa PNP na bantayan ang sitwasyon sa Abra para masiguro na hindi nabubuhay sa takot ang mga residente rito. Ayon pa sa presidential aspirant, taong 2013 pa nagkaroon ng mapayapang halalan sa probinsya nang inirekomenda ni Lacson sa PNP na italaga si ngayo’y Baguio City Mayor Benjamin Magalong bilang pinuno ng Cordillera regional police.
“That was the first and only time na walang bloodshed. Sayang yan sana ang ginawang template ng PNP pagdating sa peace and order during elections,” saad ni Lacson.
*****