Karamihan sa mga development at community planning officers sa Visayas na nakatanggap ng scholarship grant mula sa Office of the Presidential Assistant for Rehabilitation and Recovery (OPARR) noong 2014 ay kasalukuyang tumutulong na sa mga komunidad na nasalanta rin ng kalamidad tulad ng Bagyong Odette at Agaton.
Ang scholarship grant na ito na nagkakahalaga ng US$10-million ay mula rin sa United States Agency for International Development (USAID) sa pakikipagtulungan ng OPARR noong pinamunuan ito ni Senador Ping Lacson na dating nagsilbi bilang Presidential Assistant on Rehabilitation and Recovery.
Sa kanyang pagbisita sa Ormoc, Leyte nitong Miyerkules kasama ang kanyang ka-tandem na si Senate President Tito Sotto, nakausap nila ang ilan sa mga planning officers na naging scholars ng nasabing programa.
Related: Seeing ‘Yolanda Graduates’ Making a Difference vs Calamities in Ormoc Makes Lacson Feel Fulfilled
“Parang fulfilling. Of course tinamaan na naman ng Odette, tinamaan na naman ng Agaton. And we take pride in one of our legacy projects na nabanggit ko kanina, nagpa-scholar kami ng 162 planning officers who are now giving services sa kanilang respective municipalities,” ani Lacson.
“Kanina na-meet namin yung tatlo o apat, and then parang alam mo na yun yung feeling na parang may memory lane na tinatahak ka. Very exciting,” dagdag pa ng independent presidential aspirant.
Noong 2014, tinulungan ng OPARR ang 171 siyudad at bayan na nasalanta ng Yolanda, kasama ang 162 planning officers na nagtapos mula sa Development Academy of the Philippines.
Sa tulong ni dating Mission Director Gloria Steele ng USAID, nagbigay sila ng technical support at assistance na nagkakahalaga ng US$10 milyon sa OPARR bilang pantustos sa enrollment at pagtatapos ng mga iskolar nito.
Itinuring ni Lacson na “sentimental” ang naging pagbisita niya sa Ormoc lalo na’t nagkita sila muli ni Ormoc Mayor Richard Gomez na nakatrabaho niya sa anti-illegal drug program sa ilalim ng administrasyong Estrada.
“Nag-graduate sila 2016. Ngayon nakita ko sila very knowledgable. Kaya sabi ko dapat tama prepared na prepared when Agaton and Odette hit this region again. So again ready sila, alam nila ang gagawin nila. Naging parang mentally resilient na particularly Ormoc and nearby municipalities na talaga namang vulnerable sa calamities,” pagbabahagi ni Lacson.
*****