Voters’ Enlightenment, ‘Silent Revolution’ Magiging Legacy ng Lacson-Sotto Tandem

Anuman ang maging resulta ng eleksyon sa Mayo 9, tiwala ang magka-tandem na sina Senador Ping Lacson at Senate President Tito Sotto na may maiiwan silang “legacy” sa bayan – ang pagbigay kaalaman sa nakararaming botante.

Ito anila ang resulta ng serye ng town hall meetings at pakikipag-dayalogo sa lahat ng kanilang mga nakausap sa kasagsagan ng kanilang kampanya.

“Come what may, maybe on May 9, 2022 – o sa mga susunod na eleksyon sa 2025, 2028, 2031 and beyond – baka yun man lang ang legacy na maiwan namin. Somehow, nag-contribute kami na mabago ang kultura ng eleksyon sa bansa, kung saan sa ngayon, kung sino ang magaling mag-entertain, magaling mambola ay tinatangkilik,” ani Lacson sa kanilang press conference na ginanap sa Tagaytay City.

Related: Lacson, Sotto See Voters’ Enlightenment, ‘Silent Revolution’ as Their Indelible Legacies

“Voters’ enlightenment, voters’ education. That’s all there is to it,” dagdag pa ng presidential aspirant. Aniya, ito ang nagbigay oportunidad sa kanila na malaman ang pulso ng taumbayan at ang mga problemang kanilang kinakaharap.

Kabaligtaran din ito ng mga isinasagawang rally ng ibang kandidato kung saan tila malayo ang kandidato sa botante at hindi nila nakakausap nang malapitan para malaman ang kanilang mga hinaing at kuwento.

Umaasa sina Lacson at Sotto na sa ganitong paraan ay mababasag nila ang nakagawian ng mga trapo at kadalasan na nagreresulta noon sa paghalal sa mga magnanakaw at walang sapat na karanasan na mamuno sa gobyerno.

Saad pa ni Lacson, tiwala sila na magkakaroon ng isang “silent revolution” ng masang Pilipino kung saan ipaparating nila ang nais nilang gobyerno sa pamamagitan ng pagboto nang wasto.

“A lot is at stake in this exercise because ang laki ng problema ng bansa natin. I hope we can create a new template in campaigning,” aniya.

Para naman kay Sotto, ibase sana ng mga grupo ang pag-endorso sa isang kandidato base sa track record at hindi lang dahil sa popularidad.

“We can only wish that all the groups that are endorsing candidates will base it on track record and not based on surveys,” pahayag ni Sotto.

*****