Parusang Kamatayan sa Magkakanulo sa Bayan, Atbp, sa Panukala ni Ping

Dahil hindi kayang takutin ng habambuhay na pagkabilanggo o life imprisonment ang paggawa ng ilang krimen, itataas na sa Mataas na Kapulungan ng Kongreso ang kamatayan bilang parusang igagawad sa mga mapapatunayan sa ilang mabibigat na kriminalidad.

Ito ay nakasaad sa panukalang isinumite ni Senador at dating Philippine National Police (PNP) Chief Panfilo Lacson para sa muling pagpapatupad ng parusang kamatayan sa hangaring mabawasan ang patuloy sa paglaganap na kiminalidad sa bansa.

“Hence, to reinstate public order and the rule of law, there is an impending need to revisit and re-impose the death penalty on certain heinous crimes which as ratiocinated by R.A. 7659 or the Death Penalty Law,” banggit ni Lacson.

Related:
Lacson bill makes terrorism, human trafficking, plunder, treason, drug-related crimes punishable by death

[Basahin: Senate Bill 42, An Act Re-Instituting the Death Penalty in the Philippines]

Isiniwalat ni Lacson na kabilang sa mga karumal-dumal na krimen na papatawan ng parusang kamatayan sa ilalim ng kanyang panukala ay ang pagtataksil o pagkakanulo sa bayan, terorismo, pagbebenta ng illegal na droga at human trafficking.

Bukod sa naunang nabanggit na krimen, nasa listahan din ng papatawan ng parusang kamatayan sa panukala ni Lacson ang qualified piracy, qualified bribery, parricide, murder, infanticide, rape na may kasamang aggravating circumstance, arson, carnapping, illegal recruitment, kidnapping with serious illegal detention at plunder.

Ayon pa sa mambabatas na naging pinuno at nagpatino sa mga tiwaling tauhan ng PNP sa ilalim ng kanyang pamumuno, mula nang ibalik sa parusang habambuhay na pagkabilanggo ang pinakamabigat na hatol sa mga napatunayan sa mga karumal-dumal na krimen, tumaas ang mga insidente ng kriminalidad na naitatala ng ahensiya.

Batay sa datus na nakuha sa PNP, isiniwalat ni Lacson na 75 porsiyento nang mga naitatalang kriminalidad ay pawang may kaugnayan sa illegal na droga habang nasa 66 porsiyento naman ng mga nakakulong ay napatunayan o nahatulan sa mga kasong may kinalaman ang naturang kalakal.

Tinitiyak naman ni Lacson na bibilisan niya ang pagsusulong sa nabanggit na panukala dahil magiging prayoridad umano ito ng komiteng mangangasiwa sa pagdinig.

“Ako naman ma-commit, ko tuloy-tuloy ang hearing na gagawin ko kung sa committee (on public order and illegal drugs ire-refer),” paniniyak pa ni Lacson sa panayam sa kanya ng DWIZ.

Ang pagsugpo sa kriminalidad sa loob ng unang tatlo hanggang anim na buwang panunungkulan ay magugunitang ipinuhunan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa panahon ng pangangampanya at maging sa mga panayam sa kanya matapos na manalo sa nakalipas na halalan.

*****