Kung walang guwardiya na makikipagsabwatan, walang kontrabando na makakapasok sa loob ng New Bilibid Prisons (NBP) at iba pang mga kulungan.
Ito ang pangunahing layunin ni Senador Panfilo Lacson sa pagsasampa ng Senate Bill 46 na pinamagatang Anti-Contraband in Prison Act bunga na rin ng sunod-sunod na pagkakalantad at pagkakalansag ng iba’t ibang bagay at kagamitan na naipapasok sa mga piitan.
Sa ilalim ng panukala ni Lacson, mabigat na kaparusahan ang naghihintay sa mga prison guards at mga opisyal ng mga piitan na mapapatunayang nakikipagsabwatan sa mga kriminal na nasa kanilang mga kulungan para maipasok ang iba’t ibang uri ng kontrabando.
Related: Lacson bill to punish prison guards who allow contraband for inmates
[Basahin: Senate Bill 46, Anti-Contraband in Prison Act of 2016]
Ang mga opisyal at mga tauhan ng mga piitan na mapapatunayang nakpagsabwatan sa mga bilanggo at mga grupo o indibiduwal ay papatawan ng mga parusang kinabibilangan ng 12 hanggang 20 taong pagkakulong at hanggang P5 milyong multa.
Batay sa mga ulat, kabilang sa mga walang kahirap-hirap na naipapasok sa mga kulungan ay pera, droga, mga gadgets at maging mga manok na panabong ng mga maiimpluwensiyang bilanggo.
“A stiff penalty is required in this circumstance in order to instill fear and be an effective deterrence to those contemplating of doing this crime in the future. More importantly, the said penalty applies as well to government officials or employees who cooperate or co-opt with the inmate or other private persons involved therein,” paliwanag ni Lacson.
Tinitiyak din sa naturang panukala na maging ang mga magdadala ng mga kontrabando ay madadamay at mananagot din sa batas.
“The bill requires people visiting detainees in any prison facility to accomplish a registration form and present valid IDs such as a passport, driver’s license or voter’s ID. They must also declare what items they are bringing to the inmate. Failure to comply with registration may mean imprisonment of one to five days, or a fine of P1,000,” paliwanag pa sa naturang panukala.
*****