Ping, Aarangkada vs Political Dynasty

Kumilos na si Senador Panfilo Lacson para pigilan ang pamamayagpag ng political dynasty o sabayang pagkakahalal sa mga magkakamag-anak sa iba’t ibang puwesto sa mga lugar na sakop ng mga ito.

Sa Senate Bill 49 na inihain ni Lacson, ipinaliwanag nito kung gaano kahalaga na matigilan na ang nabanggit na sistema na sa halos 30 taong nakalipas ay pinagpasasaan ng mga maiimpluwensiyang magkakamag-anak sa isang lugar.

Dito sa Pilipinas, karaniwan na lamang na kapag ang isang politiko ay nahalalal sa mataas na posisyon sa lugar na nasasakupan nito, may mga miyembro ng pamilya o kalapit na kaanak na nananalo din sa mas mababang puwesto.

Related: Lacson bill seeks to fulfill Constitution’s provision vs political dynasties

[Basahin: Senate Bill 49, Anti-Political Dynasty Act of 2016]

“While the State recognizes the pernicious effects of political dynasties, there is still no enabling law to prohibit its existence in the political arena. Influential clans and families that are well-entrenched in the political arena have made positions in government their virtual playgrounds, resulting in the proliferation of small monarchies all over the country,” diin ni Lacson sa kanyang panukala.

“This makes a mockery of what should otherwise be a level-playing field in politics and espouse political inequities,” dagdag pa ng mambabatas.

May mga hakbangin na rin umano sa mga nakalipas na kongreso na ipagbawal na ang naturang kaugalian ng mga pulitiko pero hirap na hirap itong umusad kaya hindi naisabatas.

Ayon kay Lacson, may ilang mambabatas na galing sa makapangyarihang pamilya na ginamit ang argumentong “sovereignty resides in the people and all government authority emanates from them.”

Sa ilalim ng Anti-Dynasty Bill ni Lacson, kabilang sa mga ipagbabawal ay ang pagtakbo ng asawa o mga kamag-anak “within the second degree of consanguinity or affinity, whether legitimate or illegitimate” ng isang politikong nasa puwesto.

Maliban dito, ipagbabawal din ang dalawa o mahigit pang magkakamag-anak na tumakbo sa iba’t ibang puwesto sa lugar na nasasakupan kahit pa hindi sila kaanu-ano ng nakaupong pinamataaas na opisyal na nahalal sa puwesto.

Kung ang kamag-anak na politiko ng mga tatakbo sa lokal na puwesto ay nahalal sa pambansang lebel, ang pagbabawal sa pagtakbo sa mga ito ay sa lugar lamang kung saan nakarehistro ang nasa puwesto.

Ang panukalang ito ay kabilang sa mga prayoridad ni Lacson sa hangaring mabigyan ng pagkakataon ang mga botante na makapaghanap ng mga alternatibong magiging lider sa kanilang mga lugar sa mga darating na panahon.

*****