Kumilos na si Senador Panfilo Lacson para madagdagan ang mga umiiral na benepisyong ibinibigay ng pamahalaan sa mga kapitan ng mga barangay, kapalit ng pamumuno at serbisyong ipinagkakaloob nila sa mga nasasakupan.
Sa Senate Bill 254 na iniakda ni Lacson at pinamagatang “Additional Barangay Captains Insurance Act of 2016,” isinusulong nito ang pagkakaloob ng seguro sa mga kapitan ng barangay na mapapatay o kaya ay mapapahamak sa pagganap sa tungkulin.
Sa ilalim ng nabanggit na panukala, nilinaw ni Lacson na kung tatambangan o mapapatay sa pagganap sa tungkulin ang isang barangay captain, tatanggap ang kanyang mga naulila ng P200,000; karagdagang P50,000 para sa pagpapalibing; at P100,000 sa nagastos sa gamutan.
Related: Lacson bill boosts insurance benefits for barangay captains
[Basahin: Senate Bill 254, Additional Barangay Captains’ Insurance Act of 2016]
Pero kung ang isang barangay captain ay napatay o napahamak umano dahil sa kalasingan o sobrang pag-inom, hindi ito makakatanggap ng nabanggit na benipisyo.
Ayon kay Lacson, nararapat lamang ang ganitong uri ng karagdagang benipisyo para sa mga barangay captains dahil karamihan sa mga ito ay buwis-buhay na naglilingkod para sa kaayusan ng pamayanan, lalo na ang nasa liblib na lugar dahil hindi naman sila kasama sa mga binibigyan ng hazard pay.
“In the conduct of these functions, especially during emergencies and calamities, barangay chief executives are the front-liners, putting their lives at risk in the service of their respective constituents,” banggit ni Lacson sa kanyang panukala.
Sa kasalukuyan, tanging ang Government Service Insurance System (GSIS) lamang ang nagbibigay ng benipisyo sa mga barangay captains kung kaya’t mahirap umano para sa mga ito ang malagay sa alanganing situwasyon habang ginagampanan ang tungkulin.
*****