Ping: Kalaboso at multa sa mga iresponsableng anak ng mga uugod-ugod na magulang

Kasong kriminal, kulong, multa at sustento sa mga inabandonang mga magulang.

Ang mga mabibigat na parusang ito ang naghihintay sa mga walang pusong mga anak na mag-aabandona o magpapabaya sa kanilang mga magulang oras na maisabatas na ang panukala ni Senador Panfilo Lacson tungkol sa mas responsableng pag-aaruga sa mga matatanda.

Sa ilalim kasi ng Senate Bill 257 na tinaguriang Parents Welfare Act of 2016 at iniakda ni Lacson, malinaw na nakasaad ang mga parusang dapat na ipataw ng pamahalaan sa mga anak na nag-aabandona at nagpapabaya sa kanilang mga magulang lalong lalo na sa mga halos hindi na makagulapay. 

[Basahin: Senate Bill 257, Parents Welfare Act of 2016]

View Fullscreen

Ayon sa mambabatas, bagama’t sa ilalim ng Senior Citizen’s Act ay ginagawa ng pamahalaan ang obligasyon nitong pangalagaan ang mga matatandang pakalat kalat sa mga kalye, nasa mga anak pa rin ng mga ito ang pangunahing responsibiidad at pananagutan.

“It cannot be over-emphasized that taking care of the elderly members of the society is not only the function of government, but rather it is a shared responsibility of government and the children of said elderly,” paliwanag ni Lacson.

“The care for the aged is neither an exclusively private matter to be left to the family nor an exclusively public concern best left to the government,” diin pa ng senador sa kanyang pagsasampa ng naturang panukala.

Pero nakakalungkot umanong isipin ang katotohanang na sa kabila ng kultura ng mga Pinoy na pagiging mapagmahal sa mga magulang, patuloy sa pagdami ang mga matatandang nagpapalaboy-laboy na lamang sa kung saan-saan.

“This happens despite our moral and natural obligation to maintain our parents who are in need of support,” malungkot pang pahayag ni Lacson.

Sa ilalim ng nabanggit na panukala, ang sinumang anak o mga anak na mapapatunayang nagpabaya sa mga mahihina nang mga magulang ay sasampahan ng kasong kriminal, pagmumultahin, ikukulong at oobligahin ng sustento batay sa kalkulasyon ng korte.

Ang sustento ay puwedeng lump sum, buwanang allowance o depende sa pagtantiya ng korte sa kakayahan ng anak o mga anak at kapag hindi nagawa sa loob ng anim na buwan ay papatawan sila ng P100,000 na multa at isa hanggang anim na buwang pagkabilanggo.

Ang mga anak na tuluyan mag-aabandona sa kanilang mga magulang, tumataginting na P300,000 na multa at pagkakulong ng mula anim hanggang sampung taon ang naghihintay.

Nakasaad din sa panukala ang pagtatayo ng mga Old Age Homes para sa mga matatandang mahihina na sa mga lalawigan at pangunahing lunsod at ang bawat pasilidad ay may kakayahang magkanlong ng 50 katao.

*****