Hanggang tumataginting na P5 milyon na pabuya ang naghihintay sa magsisiwalat ng personal na kaalaman sa pagnanakaw at pagpapakasasa ng sinumang nakaupong opisyal ng bansa sa kaban ng bayan.
Ito ang isa sa pangunahing nilalaman ng Senate Bill 258 patungkol sa mga partikular na benipisyo ng sinumang tatayong whistleblower sa mga kaso ng katiwalian na ginawa o kinasasangkutan ng nakaupong pangulo ng bansa na iniakda at inihain ni Senador Panfilo Lacson.
Isinulong ni Lacson ang nabanggit na panukala sa hangaring maging mabilis ang paglutas sa mga kaso ng katiwalian na kinasasangkutan ng mga nasa gobyerno, mula sa pangulo hanggang sa may pinakamababang puwesto.
Related: Lacson bill offers big rewards for whistleblowers in corruption cases
[Basahin: Senate Bill 258, Whistleblower Act of 2016]
“This proposed legislation seeks to encourage whistleblowers to come out in the open and put an end to the corrupt practices of some government officials or employees,” paliwanag ni Lacson sa kanyang panukala.
“At the same time, it aims to strengthen the present machinery in ensuring the full protection and security of these brave witnesses against any form of retaliation or ostracism, and establish a rewards-and-benefits system in order to ensure the livelihood and welfare of these whistleblowers,” dagdag pa nito.
Sa ilalim ng panukala, depende sa salary grade ang magiging pabuya para sa mga lulutang na whistleblowers:
– Salary Grade 33: P5 million
– Salary Grade 32: P4 million
– Salary Grade 31: P3 million
– Salary Grade 30: P2.5 million
– Salary Grade 29: P2 million
– Salary Grade 28: P1.5 million
– Salary Grade 27: P1 million
– Salary Grade 26: P900,000
– Salary Grade 24-25: P800,000
– Salary Grade 22-23: P700,000
– Salary Grade 20-21: P600,000
– Salary Grade 18-19: P500,000
– Salary Grade 16-17: P400,000
– Salary Grade 14-15: P300,000
– Salary Grade 12-13: P200,000
– Salary Grade 10-11: P100,000
– Salary Grade 5-9: P75,000
– Salary Grade 1-4: P50,000
Pero tinitiyak ng mambabatas na hindi puwedeng pagkakitaan ng mga pekeng testigo ang nabanggit na sistema ng pabuya na kanyang ipinapanukala dahil nagtataglay din ito ng mga mahihigpit na panuntunan.
Kapag naging ganap na batas, ang Office of the Ombudsman ang magpapatupad ng mga kautusang nakapaloob sa mithiing ito ni Lacson.
*****