3 nangikil gamit ang pangalan ni Ping, nasakote!

May hangganan ang lahat ng uri ng panlalamang.

Ang kasabihang ito ay muling napatunayan matapos masakote ng mga awtoridad ang tatlo kataong kinabibilangan pa ng isang babae na sinasabing matagal nang nangingikil sa mga grupo at indibiduwal, gamit ang pangalan at tanggapan ni Senador Panfilo Lacson.

Nalambat sa pamamagitan ng isang entrapment operation sa Malolos City sa Bulacan ang mga suspek na sina Dina Joson Castro, 34, sinasabing lider ng grupo at taga-Plaridel, Bulacan; at mga kasamahang sina Roberto Fajardo, 51; at Ariel Balotro, 35. 

Sa ulat ni Superintendent Ruel Cagape ng Philippine National Police (PNP) Region 3 Regional Intelligence Division Special Concerns Unit, ang entrapment operation ay nag-ugat sa reklamo sa grupo ni Castro mula sa isang ginang na nabiktma nito.

Ang biktima na natukoy sa pangalang Mercedez dela Cruz ay nilapitan umano ni Castro at hiningian ng paunang bayad na P320,000 para “maayos” ang kaso ng anak na nahaharap sa paglabag sa Comprehensive Law on Firearms and Ammunitions.

Nakumbinsi umano ni Castro ang biktima dahil gagamitin umano nito ang tanggapan ng mambabatas para kausapin ang mga may hawak ng kaso at maabsuwelto ang anak nito.

Ang hindi alam ni Castro, nagsiyasat na ang biktima kung talagang konektado ito sa tanggapan ni Lacson at nang mapatunayan na puro lamang pambobola ang pinagsasasabi nito ay inihanda ang entrapment operation.

Nakuha sa mga suspek ang dalawang piraso ng P500 na marked money at ngayon ay nahaharap sa mga kasong usurpation of authority at pangingikil.

Hinihikayat naman ng PNP Malolos ang iba pang nabiktima nina Castro na makipagugnayan sa kanilang tanggapan upang mas lumakas pa ang mga ebdensiya ng asunto laban sa mga ito.

*****

Leave a Reply