Tutulong ang Mataas na Kapulungan ng Kongreso sa mithiin ng Department of National Defense (DND) na pasiglahin ang nananamlay na kultura ng mga Pinoy sa pagmamahal sa sariling bayan.
Ito ay makaraang isiwalat ni Senador Panfilo Lacson, miyembro ng Philippine Military Academy Class 1971, na personal niyang sinusuportahan ang programa ng DND na “Love of Country Builders” ng ahensiya na naglalayong muling buhayin ang dating kaugalian ng mga mamamayan na mahalin ang sariling bayan.
“From one veteran to another although we don’t look like (veterans yet), approved, Sir, as far as the committee is concerned,” banggit ni Lacson kay DND Undersecretary at Philippine Veterans Affairs Office administrator Ernesto Carolina sa pagdinig ng Senado sa panukalang badyet ng ahensiya.
Related: Lacson backs P390-million DND ‘Love of Country Builders’ program
Sa ilalim ng naturang programa, naglaan ang DND ng P390 milyon sa susunod na taon upang gamitin sa pagtayo ng mga monumento, mga marker at iba pang pasilidad na nagpapaalala sa kagitingan ng mga sundalong Pinoy.
Kapag natapos, maaring hikayatin ng mga magulang ang kanilang mga anak at apo na sa mga lugar na ito mamasyal upang mabatid at maisapuso ang mga naging kontribusyon ng mga sundalo, lalong-lalo yaong mga beterano na.
Ipinunto naman ni Carolina na tama lamang ang naging hakbang ni Lacson dahil sa ilalim ng Konstitusyon, ang bawat mamamayan, bata man o matanda, ay may mandato na ipagtanggol ang kalayaan ng bansa at malaki umano ang magiging papel ng kanilang programa para mahikayat ang mga batang henerasyon.
“We’re so fixated every year paying arrears and benefits, the image of a veteran is a pathetic dependent on government and always asking for an increase in benefits. And hardly do they connect the veterans to the values they really represent – sacrifice, love of country, gallantry,” dugtong pa ni Carolina.
*****