Lacson sa PNP leadership: Dapat hindi lang push-up

Magandang panimula ang push-up pero dapat na sundan ito ng higit na epektibong sistema ng pagdidisiplina sa mga tiwali at mapang-abusong pulis hanggang sa muling tumino ang Philippine National Police (PNP).

Ito ang naging tugon ni Senate Committee on Public Order and Illegal Drugs Chairman at dating PNP Chief Panfilo Lacson, kasunod ng nabanggit parusa na ipinataw ni PNP Chief Ronald dela Rosa sa ma pulis na sangkot sa pangingidnap at pangongotong sa mga Koreano sa Angeles, Pampanga.

“Magandang mensahe, symbolic ang push-up at ang mura and everything, but it should go beyond that. Ang hinihintay ng tao, ano bang positibong aksyon aside from meting out the appropriate or commensurate punishment?” banggit ni Lacson nang matanong sa naturang usapin. 

Bukod sa pagpapataw ng mas higit na nararapat na kaparusahan, pinayuhan din ni Lacson ang kasalukuyang liderato ng PNP na magbigay ng malinaw at kongkretong babala sa mga pulis upang hindi na tumuloy ang mga ito, sakaling nagbabalak pang gumawa ng kabulastugan.

“After nito, anong gagawin para ang future incidents hindi na maganap? Yan ang mas importante,” tanong pa ni Lacson sa magiging sunod na parusang matitikman ng mga pulis na nasangkot sa pananakot at pananamantala sa mga biktima.

Kasunod nito ay pinayuhan din ni Lacson si Dela Rosa ng mga dapat pang gawin upang mas higit na maramdaman ng publiko ang hakbang ng naturang opisyal para maituwid ang maling asal ng mga pulis.

“Sabi ko kailangan may impact. Hindi pwedeng pabagal-bagal kasi alam mo ang pulis, di tatablan ng pagkahinay-hinay,” pahabol pa ni Lacson.

*****