Ping: Social Media, Online Remittance Inaaral na Isama sa Anti-Terror Law

photo1127-001

Dahil posibleng nagagamit na rin ang mga social media platforms sa paghahasik ng terorismo, pinag-aaralan ng Senado kung mapapabilang na ang mga ito sa mga babantayan ng pamahalaan.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Illegal Drugs sa panukalang mas pinatapang na Anti-Terror Law, isiniwalat ni Senador Panfilo Lacson, chairman ng naturang komite, na inaaral nila kung tututukan ang “socmed” accounts na ginagamit para palaganapin ang terorismo.

“We must be clear. The state must take immediate action in the exercise of its police powers to address the threat of terrorism,” paliwanag ni Lacson.

Nguni’t tiniyak ng mambabatas na kung matutuloy ito, hindi nito babanggain ang kalayaan ng pamamahayag sa ilalim ng ating Saligang Batas.

“This is in the context of the state dealing with terrorism, and as such it needs immediate action in the exercise of its police powers to abate terrorism,” ani Lacson.

Related: Lacson Panel Studies Including Abuse of Social Media, Money Transfer in Anti-Terror Act Coverage

Bukod sa mga social media accounts, tinitingnan din ng komite ni Lacson kung pati ang mga money transfer services ay ibibilang na sa mga mamamanmanan ng mga awtoridad.

Hindi kasi imposibleng sa sistemang ito na pinadadaloy ng mga terorista ang kanilang mga pondo dahil sa ibayong paghihigpit na ipinapatupad ng pamahalaan sa mga bangko at ibang kahalintulad na institusyon.

Sa naturang pagdinig, binanggit ng kinatawan ng Institute of International Legal Studies ng University of the Philippines na si Atty. Marwil Llasos na may gumagamit sa social media para sa pagpapakalat ng radikalismo, at may kapangyarihan umano ang pamahalaan na sawatahin ang mga ito.

Idinagdag ni Llasos na sa kasalukuyan ay may kapangyarihan ang National Bureau of Investigation na tanggalin ang mga social media posts sa kasong mapatunayan ang cyber-libel.

Idinagdag naman ni Lacson na dapat ay regular na maimpormahan ang Pangulo sa mga namamataang terroristic activities katulad lamang umano ng nakasanayan sa America.

“There is need for a regular update to allow quick analysis, submitted on a regular basis. If not daily, at least weekly or monthly, to assist in the decision-making process,” paliwanag pa ni Lacson.

*****