
Isinulong ni Senador Panfilo Lacson ang pag-ayuda sa Sandatahang Lakas ng Pilipinas kontra sa lumalalang terorismo sa pamamagitan ng paglaan ng halos P5 bilyon sa badyet nito sa kasalukuyang taon.
Sa kanyang pagdalo sa bicameral panel meeting para sa 2019 national budget, isiniwalat ni Lacson na ang P4.78 bilyon ay kanyang iminumungkahing ilaan para sa karagdagang Infantry Division ng Philippine Army.
“It is an institutional amendment that I introduced, for the activation of an infantry division as requested by the Department of National Defense (DND),” paliwanag ni Lacson sa harap ng mga kasamahang bumubuo sa bicameral panel ng budget.
Related: Lacson Pushes P4.78-B Institutional Amendment for Mindanao Infantry Unit
Ang nabanggit na karagdagang puwersa ng mga sundalo ay ayuda sa Mindanao partikular sa Basilan, Sulu, Tawi-tawi (BaSulTa) kung saan naitatala ang matitinding karahasan.
Isa sa pinakahuling insidente ng karahasan sa lugar na ito ay ang pagsabog sa simbahan sa Jolo, Sulu kung saan maram ang namatay at malubhang nasugatan.
Provisionally activated ang 11th Infantry “Alakdan” Division nitong nakalipas na Disyembre 1 sa Jolo, Sulu. Pero para ganap na ito ay makagalaw laban sa karahasan, nangangailangan ito ng pondo na manggagaling sa badyet ngayong taon.
Sa paliwanag ni Lacson, ang nabanggit na kahilingan ay ipinaabot niya sa mga kasamahang mambabatas bunga na rin ng naunang paglapit ng DND sa kanya.
“Institutional amendments should not be set aside because these are requested by the agencies concerned, and are properly vetted by lawmakers,” dagdag ni Lacson.
*****