Kapag rehistrado ang SIM card ng mobile device ng isang tao, hindi niya ito basta-bastang magagamit sa paggawa ng krimen at ibang ilegal na aktibidad, lalo na ang panloloko sa kapwa para magkapera lamang.
Ito ang pangunahing nilalaman ng Senate Bill 25 o “Prepaid Subscriber Identity Module Cards Regulations Act of 2019” na inihain ni Senador Panfilo Lacson.
Kabilang sa mga layunin ng Senate Bill 25 ang sugpuin ang krimen at mga kabulastugang nagaganap gamit ang mga mobile gadgets gaya ng cellular phones, sa harap na rin ng katotohanan na nahihirapan ang mga awtoridad na ma-monitor at makontrol ang nagaganap na abuso sa mga makabagong teknolohiya ng komunikasyon.
Sa ilalim ng naturang panukala, dapat magrehistro ang bibili ng prepaid SIM card, habang ang negosyanteng magbebenta ng SIM card at ang telecommunication service provider ay dapat magkaroon ng record ng mga bumili.
Kabilang sa mga dokumentong dapat ipakita ng bibili ng SIM cards ay pasaporte, driver’s license at iba pang mga ID na may litrato at inisyu ng pamahalaan, bukod pa sa pagsusulat sa registration form.
Ang mga awtoridad ay may kapangyarihang suriin o hingiin ang impormasyon na ito batay sa atas ng korte kapag ang isang SIM card ay nagamit sa kriminalidad.
Mabigat na parusa ang negosyanteng magbebenta ng SIM card na hindi hihingi ng mapagkakakilanlan o ID.
“Dealers who fail to comply will face a fine of P25,000 for the first offense, P50,000 for the second offense, and P100,000 for the third offense. On the third offense, the president, general manager or other responsible officer of the dealership may also face imprisonment of six months to four years, while the dealership license may be canceled,” malinaw na saad sa panukala ni Lacson.
*****