Kung isasali ang publiko sa pagsusuri ng mga miyembro ng Mataas at Mababang Kapulungan ng Kongreso sa paghubog ng pambansang gastusin ng pamahalaan taun-taon, mas mahirapang makakalusot ang tangkang pagpapakasasa sa kaban ng bayan ng mga mambabatas na makakapal ang mukha.
Malinaw itong nakasaad sa Senate Bill 24 na inihain ni Senador Panfilo Lacson, kung saan ay pinapahintulutan ang publiko na makapanood nang personal at makasali sa talakayan ng mga mambabatas sa pambansang badyet mula sa komite hanggang sa bicameral conference committee.
“Now is the time for Congress to recognize the importance of the direct participation by people’s organizations and non-government organizations in the budget deliberation,” paliwanag ni Lacson sa kanyang panukala.
Dapat din ma-institutionalize ang legislature-civil society collaboration “to achieve a people-oriented budget as well as establish transparency and accountability in the budget process,” dagdag ni Lacson.
Related: PingBills | Preventing Pork: Lacson Bill Encourages Public Participation in Budget Process
Si Lacson ang nangunguna sa Senado sa pagbusisi sa mga nakatagong pork barrel sa pambansang gastusin taun-taon. Ito ang naging batayan ng Pangulong Rodrigo Duterte sa pag-veto sa mga kuwestiyonableng nilalaman sa 2019 budget.
Naantala ang pagkakapasa ng pambansang badyet para sa 2019 dahil sa pagkalikot ng ilang kaalyado ng liderato ng Kamara sa badyet kahit nairatipika na ito – maisingit lamang ang mga proyektong pinagkokomisyunan kahit malinaw na labag ito sa Saligang Batas.
Paliwanag ni Lacson, gastusin para sa publiko ang pambansang badyet kung kaya’t nararapat lamang na magkaroon ang mga ito ng pagkakataon na makapahayag ng kanilang mga saloobin at mungkahi.
“The vital role it plays in the operations of our government, and ultimately in the life of every Filipino, demands that there should be mechanisms in place that will enable citizens to participate in the budget process so as to correct spending priorities and to ensure transparency in the appropriation of valuable taxpayers’ money,” diin ng mambabatas.
Dagdag ni Lacson, ang partisipasyon ng mga civil society organization (CSO) ay magiging “component in the preparation and authorization of the annual national budget.”
Sa ilalim ng Senate Bill 24, ang national government agencies (NGAs) at government-owned and controlled corporations (GOCCs) ay magbubuo naman ng mekanismo para sa “active participation” ng mga CSO.
Bibigyan ng karapatan ang mga CSO gaya ng NGO at professional at faith-based groups na magmasid sa mga public consultations at magsumite ng kanilang mga position papers.
Ang mga grupo na magkakaroon ng accreditation matapos dumaan sa proseso ay bibigyan ng karagdagang karapatan tulad ng pagmasid sa budget deliberation at sa bicameral conference; at karapatan ng mga kinatawan na makasali sa talakayan bilang resource persons.
*****