Isinusulong ni Senador Panfilo Lacson ang pag-amyenda sa ilang nilalaman ng P4.5 trilyon na gastusin para sa susunod na taon, upang pondohan ang mga programang tutugon sa epekto ng COVID-19.
Ayon kay Lacson, kailangang masigurado ang pondo para sa pagbangon ng mga sektor ng kalusugan at ekonomiya bunga ng pagkalugmok na inabot ng mga ito sa mahabang panahon ng pananalasa sa bansa ng nabanggit na pandemya.
“First things first. We should first address the pandemic and its effects: Health issues, development, recovery of the economy. Those are what we need to address in the 2021 budget,” paliwanag ni Lacson sa panayam sa ABS-CBN News Channel.
“I want the budget to be responsive to the sign of the times. I want it to be responsive to the budget philosophy of Reset, Rebound, Recover. These are what we need for 2021. Not the multi-purpose buildings, not the double appropriations, not the right-of-way payments that cannot be accomplished anyway,” dagdag ng mambabatas.
Related: Lacson Bares Proposed Amendments to Ensure ‘Responsive’ 2021 Budget
Ang mga sumsunod ay ang mga pag-amyenda sa pambansang gastusin sa taong 2021 na iminumungkahi ni Lacson;
* Pagbura sa P63 bilyon mula sa mga gastusin ng Department of Public Works and Highways, Department of Environment and Natural Resources’ National Greening Program at National Irrigation Administration, na kinabibilangan ng:
– Tinatayang P60 bilyon mula sa DPWH multi-purpose buildings maliban lamang doon sa mga gagamitin bilang evacuation at quarantine facilities, double appropriations, bayad sa right-of-way payments pati na rin ang overlapping projects; at
– Mga P500 milyon mula sa NIA dahil sa mga usaping may kaugnayan sa implementasyon ng mga proyekto.
Ayon kay Lacson, ang mga halagang aalisin ay iminumungkahi niyang ilipat sa ibang mga ahensiya at mga programang kinapapalooban ng mga sumusunod:
* Tinatayang P20 bilyon para sa local government units sa pamamagitan ng Assistance to Local Government Units-Local Government Support Fund (ALGU-LGSF), sa mga lugar na sinalanta ng mga nagdaaang malalakas na bagyo. Ang nabanggit na halagang ay magsisilbi ring ayuda sa mga evacuation centers at quarantine facilities, livelihood, at muling pagbangon ng mga nasira.
* Nasa P12 bilyon para sa Department of Information and Communications Technology, para sa pag-usad ng P18-bilyon national broadband program, para sa unti-unting pagtayo ng gobyerno sa sariling paa sa usapin ng internet connectivity na sa kasalukuyan ay nakasandal sa mga pribadong telcos. Tinatayang P34 bilyon ang matitipid ng pamahalaan sa susunod na limang taon kapag ito ay naipatupad na.
* Karagdagang gastusin para sa flexible learning options ng Department of Education.
* Nasa P8 bilyon na dagdag pondo para sa Department of Health sa pagpapatupad ng Universal Health Care program sa pamamagitan ng Health Facilities Enhancement Program (HFEP) na nangangailangan ng tinatayang P13 billion.
Binabanggit din ng mambabatas na handa siyang sumuporta kung may mga lalabas na panukalang pagkakaroon ng special budget o partikular na batas na gayan ng Bayanihan to Heal as One Act para sa dagliang pagbili ng bakuna laban sa COVID-19.
“If we need to even pass a special budget for that or a special law like Bayanihan where the President can realign funds from some items for the purchase of the vaccines, we will do that,” banggit ni Lacson.
Nilinaw pa ng mambabatas na ang P16.4 bilyon para sa anti-insurgency program ng pamahalaan ay ilalaan sa mga proyektong pangkabuhayan at pangkaunlaran sa mga lugar na malinis na sa insurgency activities.
“What will happen to those communities affected by conflict, if we will just abandon them without developing them? The people there will be open to recruitment by the NPAs again. So that is the wisdom I see on why we should retain the P16.4 billion… It’s not about combat operations,” ayon pa sa mambabatas, kasabay ng pagsasabing ang DILG ang magpapasya sa mga gastusing dapat pondohan.
Suportado ng mayorya ng mga senador ang ang pagpapanatili sa anti-insurgency funds ng pamahalaan para sa susunod na taon.
Hindi na rin itutuloy ni Lacson ang unang planong tapyasan ang confidential and intelligence fund ng Pangulo, makaraang impormahan siya ng pulis, militar at intelligence communities na suportado ng Pangulo ang anumang misyon na kanilang gagawin.
*****
One of the most sensible things our senators can do to help our kababayans cope up with pandemic. Senator is someone we can count in to ensure our wellbeing as Filipinos.