Ping: Pagbusisi sa Pork Importation ‘Tong-pats,’ Pang-Committee of the Whole ang Level

Pinakamainam na Committee of the Whole ng Senado ang mag-imbestiga sa nagsisebong “tong-pats” sa importasyon ng karne ng baboy na paraan ng Department of Agriculture (DA) upang mapunan ang kawalan umano ng suplay bunga ng pananalasa ng African Swine Flu (ASF).

Ayon kay Senador Panfilo Lacson, maraming aspetong saklaw ang nabanggit na kontrobersiya kung kaya’t tama lamang na buong puwersa na ng Senado ang umungkat sa mga detalye nito.

“I am recommending that the Senate convene into a Committee of the Whole to handle the investigation. The ‘tong-pats’ mess has an impact on foregone revenue and corruption, food security, and health. The Committee of the Whole is best suited for this, instead of having the Blue Ribbon Committee and Committees on Agriculture, Ways and Means and Health handle it separately,” paliwanag ni Lacson.

Masyado aniya na malawak ang problema para pangasiwaan lamang ng isa o ilang komite ng Senado ang pagsisiyasat.

Kabilang sa mga maaring masaklaw ay ang usapin sa food security, kaligtasan ng pagkain, ang nawalang koleksiyon ng pamahalaan at ang kalusugan ng publikong kumukunsumo sa mga ito.

Related: Lacson: Committee of the Whole Best Suited to Handle DA ‘Tong-pats’ Probe

“My resolution seeking the investigation in aid of legislation may also seek to revisit Republic Act 10611, the Food Security Act of 2013, to address possible loopholes that are being exploited,” pagbubunyag ni Lacson sa panayam sa DZXL.

“Wide masyado ang problema, all-encompassing. Kaya mas maganda kung Committee of the Whole na lang ang hahawak,” dagdag pa ng mambabatas.

Ang kontrobersiya sa “tong-pats” ay una nang isiniwalat ni Lacson sa pamamagitan ng interpelasyon sa plenaryo ng Senado sa isang resolusyong humikayat sa Pangulong Rodrigo Duterte na tanggihan ang rekomendasyon ng DA na dagdagan ang dami ng inaangkat na karne ng baboy at babaaan ang taripang ipinapataw sa mga ito.

Naalarma ang mambabatas sa situwasyong ito dahil sa harap ng katotohanang papatayin nito ang lokal na industriya ng baboy sa Pilipinas, kung saan, nasa 80,000 hog raisers ang nakapaloob at pipilayin din ang koleksiyon ng buwis na kailangang kailangan ngayong panahon ng pandemya.

“Umiiyak ang ating backyard hog raisers, mga 80,000 sila. Ang industriya ng hog-raising, P230 billion a year ito. Our backyard hog raisers will be adversely affected while the hog industry will die if the local market is flooded with imported pork and pork products – and worse, imported from countries with existing ban due to ASF,” ayon pa kay Lacson.

Kabilang sa solusyon na iminumungkahi ng senador ay ang pagbibigay ng ayuda sa apektadong sektor gaya ng indemnification fund at iba pang pinansiyal na pag-aalalay sa mga hog raisers.

“Kung ang solusyon ay mag-import ng mag-import, lalo mong pinapatay ang industriya,” dagdag ng mambabatas.

“Walang patawad. Yan ang nakakainis, parang walang kabusugan,” banggit ni Lacson sa panayam ng DZBB kung saan ay pinatutungkulan niya ang mga nasa likod ng kontrobersiyal na “tong-pats.”

Kabilang sa mga uungkatin ng mambabatas ay kung ano ang mga posibleng pananagutan ng dating pinuno ng Bureau of Animal Industry na si Dr. Ronnie Domingo na nag-isyu ng sangkaterbang import permits kahit pa sa mga bansang tukoy ang mga sakit sa hayop gaya ng ASF. Si Domingo ay inilipat sa Philippine Carabao Center.

Sa impormasyong nakakarating sa senador, naganap hanggang Setyembre 2020 ang mga kadudang pag-import ng karne ng baboy sa bansa sa ilalim ng Minimum Access Volume Management (MAV) Committe ng DA. Ang BAI at National Meat Inspection Service (NMIS) ang bumubuo ng MAV Committee.

“Considering such violations involving Domingo, papayag na lang tayo kung may sangkot, ililipat na lang? What is clear is that the former BAI director was involved in violations until September 2020,” diin ng mambabatas.

“Without casting doubt on DA Sec. William Dar’s personal integrity, we want to know if he was aware of the situation. That said, while I cannot say at this time if Domingo’s transfer is connected to the issuance of illegal permits, the impact is that we have an ASF problem due to the importation of pork from banned countries,” banggit pa ni Lacson.

Nais ding malaman ng mambabatas kung mayroong mga maimpluwensiyang grupo o indibiduwal sa labas ng mga ahensiyang nabanggit na sangkot sa naturang kontrobersiya.

“We want to know if there is outside pressure on the DA. I have received information that there was lobbying. Why would it make such recommendations that could be detrimental to our local hog raisers?” pagsisiwalat ni Lacson.

“Yan ang gusto natin matumbok kung sino. Parang lumalabas na kung susundan natin ang takbo ng mga pangyayari, parang laban sa kalooban ni Sec. Dar ang rekomendasyon ng DA,” dagdag pa ng senador.

*****

One thought on “Ping: Pagbusisi sa Pork Importation ‘Tong-pats,’ Pang-Committee of the Whole ang Level”

Comments are closed.