Ping: Mga Lider ng Bansa, Dapat Magkaisa sa Laban sa WPS

Image Courtesy: AP

Sa halip na magtalo-talo, dapat nang magkaisa ang mga lider ng bansa sa usapin ng pakikipaglaban ng Pilipinas sa China sa karapatan sa West Philippine Sea (WPS).

Ayon kay Senador Panfilo Lacson, Chairman ng Senate Committee on National Defense, hindi malayong samantalahin ng China ang sitwasyon kapag hindi pa nagkaisa ang mga lider ng Pilipinas dahil nakikita nilang mahina ang isang bansang may nagaganap na bangayan.

“Ang irony nito at nakakalungkot, sa halip na magtulong-tulong tayong mga Pilipino, especially mga leaders, tayo pa nag-aaway-away sa usaping West Philippine Sea. Dapat iisa ang position natin. Yan ang nagpapakita ng weakness natin sa China,” banggit ni Lacson sa panayam ng DZXL.

Ayon pa sa mambabatas, hindi rin dapat idinidikit sa usapin ng agawan sa WPS ang mga bakuna laban sa COVID-19 na donasyon ng China sa bansa dahil papalalain nito ang hidwaan sa pagitan ng mga lider.

“Dapat magsimula tayo na nagkakaisa tayo na dapat ipaglaban natin ang ating sovereignty and territorial integrity. Dapat walang kinalaman ang bakuna sa usaping territorial integrity and national sovereignty,” banggit ni Lacson.

Related: Lacson: PH needs United Stand on WPS Issue

Kung pagdidikitin kasi ang usapin ng WPS at bakuna, nakikita ng mambabatas na mayroong papanig sa aspetong malaking tulong ito ng China sa bansa bilang kaibigan pero siguradong may papalag din naman at igigiit ang pinsalang ginawa na ng nabanggit na bansa sa mga yamang-dagat ng Pilipinas.

“Dapat walang kinalaman ang dalawa,” dugtong ni Lacson.

Kahit pa may indikasyong kumikiling sa China ang kasalukuyang administrasyon, binanggit din ng senador na dapat patuloy na palakasin ng Pilipinas ang pakikipag-alyansa nito sa Estados Unidos, Japan, Australia at Europe para mapanatili ang balance of power sa pinag-aagawang lugar.

Handa umano ang Estados Unidos para bumalik sa Pilipinas dahil sa patuloy na pag-iral ng Mutual Defense Treaty sa pagitan ng dalawang bansa pero dapat na ang inisyatiba ay magmula sa ating pamahalaan.

“The US has indicated it is bound by our Mutual Defense Treaty but it is the Philippines that must make the initiative. The US cannot be more aggressive than we are in the disputed area,” pahabol ni Lacson.

*****