Hindi maabuso ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ang bilyun-bilyong pisong pondong inilaan ng gobyerno sa pagpapaunlad sa mga komunidad na nalinis na mula sa impluwensiya ng New People’s Army (NPA).
Ito ang tugon ni Senate Committee on National Defense Chairman Panfilo Lacson sa mga mambabatas na nagnanais na tanggalan ng pondo ang NTF-ELCAC, kasabay ng pagsasabing mga lokal na pamahalaan (LGU) ang mangangasiwa sa paggastos sa mga ito para sa mga proyektong pangkaunlaran.
Nasa P9.699 bilyon na mula sa kabuuang P16.4 bilyon ang nailalabas na pondo para sa pagpapaunlad ng mga barangay na nalinis na sa dating pamamayagpag at impluwensiya ng nabanggit na grupo.
“Being the sponsor of the NTF-ELCAC’s 2021 budget, it is my obligation and responsibility to defend the Department of Budget and Management’s release of funds which will be implemented not by the NTF-ELCAC but by the local government units concerned,” paliwanag ni Lacson na siya ring sponsor ng gastusin ng Department of National Defense (DND) at mga ahensiya nito para sa kasalukuyang taon.
Related: Lacson: No Way Can NTF-ELCAC Abuse Funds for NPA-Cleared Barangays
No way can NTF-ELCAC abuse the P16.4B fund. As their budget sponsor in the Senate, I made sure that they will not be involved in the implementation of the infrastructure, electrification & agriculture projects, as well as the livelihood/social services in NPA-cleared barangays.
— PING LACSON (@iampinglacson) May 6, 2021
Base sa sistema, ang mga programs, activities and projects (PAPs) ng NTF-ELCAC para sa mga lugar na dating pinamumugaran ng NPA ay ang mga sumusunod: ang PAP na may halagang P1 milyon at pababa ay ipapatupad ng barangay; munisipyo o siyudad ang magpapatupad ng proyektong may halagang mas mataas sa P1 milyon pero hindi lalampas sa P10 milyon; at probinsiya ang magpapatupad sa proyektong mas mataas na sa P10 milyon.
Ang PAPs para sa cleared barangays ay kinabibilangan ng pagtatayo ng sistema ng patubig, kalsada, gusaling pamparaalan at mga day care centers.
Ipinaliwanag din ng mambabatas na kahit pa ang security sector ng pamahalaan ay hindi rin puwedeng pakialaman ang nabanggit na pondo dahil ito ay bahagi ng Special Purpose Fund sa ilalim ng Assistance to Local Government Units (ALGU), na may malinaw na alituntunin na para lamang talaga sa pagpapaunlad ng mga barangay na nalinis na mula sa NPA.
Batay sa Special Allotment Release Orders (SAROs) na inilabas ng DBM kaugnay sa NTF-ELCAC Barangay Development Program, binanggit ng mambabatas na ang nailabas na P9.699 bilyon ay popondo para sa PAPs sa 485 mula sa kabuuang 822 barangay na benipisyaryo ng programa.
Ang P9.699 bilyon ay 59 porsiyento ng kabuuang P16.4 bilyon para sa 1,374 development programs, mga kaakibat na proyekto at iba pang aktibidad. Nakapaloob dito ang P9.275 bilyon para sa imprastraktura; P165.4 milyon para sa pangkabuhayan at serbisyo publiko; P159.06 milyon para sa elektrisidad; P84,525 sa agrikultura; at P15,500 sa COVID-19.
Binanggit naman ni Lacson na bagama’t tiniyak sa kanya ng isang mataas na opisyal ng NTF-ELCAC ang kaukulang aksyon, hinihintay pa rin niya ang tugon ng DND kung aalisin ba nito si Lt. Gen. Antonio Parlade Jr. bilang tagapagsalita ng NTF-ELCAC batay sa nilalaman ng 1987 Constitution.
Ang paghawak ni Parlade sa pwesto sa isang civilian body gaya ng NTF-ELCAC ay sumasalungat sa Article XVI, Sec 5, paragraph 4 ng 1987 Constitution na nagsasaad na “no member of the armed forces in the active service shall, at any time, be appointed or designated in any capacity to a civilian position in the Government, including government-owned or controlled corporations or any of their subsidiaries.”
Ayon kay Lacson, naging pabigat din si Parlade sa gobyerno dahil nailagay nito sa alanganin ang posisyon at paninindigan ng pamahalaan sa 37 na petisyon na nakahain sa Korte Suprema laban sa Anti-Terrorism Act of 2020 bunga ng mga hindi nito maingat at hindi pinag-isipang pahayag at padalos-dalos na interpretasyon sa batas.
“Having shown that the release of funds complies with the Constitution, when will the defense establishment – including NTF-ELCAC vice chairperson Sec. Hermogenes Esperon Jr., who had said he will review Parlade’s fate as NTF-ELCAC spokesperson – comply with the Constitution as well? I am still waiting for the appropriate response. I just hope the wait won’t be too long,” ayon kay Lacson.
*****