Puwedeng gamitin para ipambili ng kinakailangan na P20 bilyon na karagdagang bakuna ngayong taon ang bilyon-bilyong congressional insertions na minarkahan ng Department of Budget and Management (DBM) na for later release (FLR).
Iminungkahi ito ni Senador Panfilo Lacson matapos na makausap nitong nakaraang Huwebes ang tatlong czar na nangangasiwa ng mga programa laban sa COVID-19.
“I suggested that the P20 billion can be sourced from the insertions made by lawmakers marked ‘FLR’ because the implementing agencies concerned were not consulted on the insertions and thus could not implement them,” pagbubunyag ni Lacson sa panayam sa kanya ng DWIZ nitong Sabado.
Related: Lacson: Cut Humongous Congressional Insertions for P20B Vaccine Needs
Magugunitang sa interpelasyon ni Lacson sa pambansang gastusin ngayong taon noong ito ay nakasalang pa sa Senado noong nakaraang taon, nabunyag na nakapaloob sa panukalang badyet ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang mga bilyon-pisong alokasyon sa ilang mga pinapaborang congressional districts.
Aniya, may isang distritong nakakuha ng P15.351 bilyon, habang may isa may P10.299 bilyon. Ang isa pa ay may P7.924 bilyon at isa naman ay may P7.559 bilyon na isiningit.
Isiniwalat ni Lacson na nanguna sa krusada sa Senado laban sa pork barrel system na may malalaking halaga ring nailaan sa Department of Education (DepEd), Department of Transportations (DOTR) at DPWH na hindi pa nagagamit at maaari ring pagkunan ng dagdag na pondo para sa bakuna laban sa COVID-19.
Ang tatlong ahensiya, bagama’t kabilang sa nakakakuha ng malaking parte sa taunang pambansang gastusin ng pamahalaan ay tukoy na mababa lamang ang paggamit at pagpapalabas ng pondo.
“On the other hand, there is a huge amount of unused appropriations that can be realigned. Under the Constitution, the President can realign funds in the executive department; the Chief Justice can realign funds in the judiciary; and the Senate President and House Speaker can realign funds in the legislative branch. If for example, there are unused funds in the DepEd, DoTr, and DPWH, it will be relatively easy to source the P20 billion,” banggit ni Lacson.
Insiwalat din ng senador na pinayuhan nilang dalawa ni Senate President Vicente Sotto III ang tatlong czar na kausapin ang pamunuan ng DBM kaugnay sa mga nabanggit na alokasyon na maaring i-realign upang magamit para sa kinakailangan pang bakuna ngayong taon.
“It is best they talk to Sec. Avisado so he can check which appropriations can be realigned for the vaccination program. That way, we need not include the amount in the Bayanihan 3 measure,” dagdag ng mambabatas.
Sa pakikipagpulong nitong nakaraang Huwebes kina vaccine czar Carlito Galvez Jr., testing czar Vivencio Dizon at contact tracing czar Benjamin Magalong naimpormahan ang mambabatas na kailangan pa ng karagdagang P20 bilyon para sa bakuna ngayong taon at P90 bilyon sa papasok na 2022.
Upang masolusyunan, binanggit ni Lacson na pinag-usapan nila sa pagpupulong na ang P90 bilyon na kailangan para sa susunod na taon ay isasama na sa regular na gastusin ng Department of Health (DOH) sa halip na isama ito sa Unprogrammed Fund.
Ito aniya ay upang masigurado na ang pondo ay nariyan lamang at puwedeng magamit anumang oras na kailanganin lalo na sa ilalim ng cash-based budgeting system.
Bukas din ang mambabatas at maging ang liderato ng Senado para sa karagdagang pang pakikipag-usap sa mga czar upang maisaayos pa ang programa ng gobyerno laban sa COVID-19.
“Later on, if other senators want to join, we can expand the meetings,” pahabol ni Lacson.
*****
One thought on “Ping: Malaking Congressional Insertions, Tapyasan Muna Para Pambakuna”
Comments are closed.