
To Inquirer.net: Nais po naming ituwid ang mali at mapanlinlang na interpretasyon ni Boying Pimentel sa kanyang kolum sa Inquirer.net, kung saan ay inakusahan niya si Sen. Panfilo M. Lacson na minamaliit si Bise Presidente Leni Robredo.
Tugon sa Kolum ni Boying Pimentel
Sir/Ma’am,
Nais po naming ituwid ang mali at mapanlinlang na interpretasyon ni Boying Pimentel sa kanyang kolum sa Inquirer.net, kung saan ay inakusahan niya si Sen. Panfilo M. Lacson na minamaliit si Bise Presidente Leni Robredo.
Ginamit na basehan ni Pimentel ang tugon ni Sen. Lacson sa isang panayam sa telebisyon kung saan sinabi niyang hindi lang busilak na puso ang kailangan para humalal ng pangulo, at kailangang may ibang katangian tulad ng katatagan (toughness).
Ang totoong mahirap intindihin ay kung paano agad inisip ni Pimentel na ang ibig sabihin ni Sen. Lacson sa toughness ay ang “nagmumura, yong pasiga siga, yong naghahanap ng away.”
Malinaw na walang sinabi si Sen. Lacson na hindi matatag si VP Robredo. Sinabi lang niya na ang katatagan ay isa sa mga katangian na kailangan sa pagiging pinuno.
At kung pinanood ni Pimentel ang panayam sa halip na basta-basta maghaka-haka, hindi na niya kailangang gumawa ng ganitong paratang kay Sen. Lacson – maliban na lang kung kailangan niyang manira ng iba para lang isulong ang sariling interes.
Sana ay napalinaw ang bagay na ito. Maraming salamat po.
Gumagalang
Joel Locsin
Media Relations Officer
Office of Sen. Panfilo M. Lacson